414 total views
Nagpaabot ng pagbati ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagkakatalaga kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo bilang bagong punong pastol ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.
Ayon kay Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na siyang National Director ng NASSA/Caritas Philippines, ang pagkakatalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco kay Bishop Pabillo sa Taytay, Palawan ay isang indikasyon sa pagtiyak ng Simbahang Katolika na marinig at maging daluyan ng tinig at mga hinaing ng mamamayan maging sa mga malalayo at liblib na lugar.
“The appointment of Bishop Pabillo is a strong message that the Catholic Church is ensuring that the voices from the peripheries will continue to be heard, and to matter.” pahayag ni Bishop Jose Bagaforo.
Tiwala rin ang Obispo na dahil sa pagkakatalaga kay Bishop Pabillo sa Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan ay higit na mabibigyang pansin ang mga usapin at suliraning kinahaharap ng Taytay.
“We are assured that the socio-political issues in Taytay will always be put in the public sphere for discussion, consideration, and action” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Naniniwala rin si Bishop Bagaforo na sa pamamagitan ng aktibong pamamahala ni Bishop Pabillo ay higit ring matututukan at mabibigyang prayoridad ang ecological issues na kinahaharap ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan lalo’t higit ang sitwasyon ng Tagbanwa tribe sa lugar.
“With him in Taytay, we are also assured that attention and resolution of ecological issues confronting the island and the Tagbanwa tribe will be one of the centerpieces of his pastoral programs.” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo, isa sa mga naging pangunahing programang isinulong ni Bishop Pabillo bilang dating national director ng Caritas Philippines ay ang pagpapalawak ng kamalayan sa sitwasyon at kapakanan ng mga katutubo sa bansa partikular na ng mga indigenous peoples’ communities sa Busuanga, Palawan mula sa tangkang pagkamkam sa lupang ninuno ng mga ito.
Tiniyak naman ni Bishop Bagaforo ang patuloy na suporta ng Caritas Philippines hindi lamang para sa bagong misyon at tungkulin ni Bishop Pabillo kundi maging para sa kapakanan at mga pangangailangan ng mga mamamayan ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan.
“His appointment also provides the assurance that the people in Taytay will always be part of the programs and services being provided by the Church through Caritas Philippines.” Pagtiyak pa ni Bishop Bagaforo.
Inanunsyo ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang pagkakatalaga kay Bishop Pabillo bago magsimula ang Banal na Misa sa karangalan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Manila Cathedral nitong Hunyo 29, 2021 na pagdiriwang ng Popes Day.
Ang Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan na naging sede vacante noong taong 2018 ay isa lamang sa dalawang ecclesiastical territories sa Palawan kung saan pinamumunuan ni Bishop Socrates Mesiona Apostolic Vicariate of Puerto Princesa.