18,802 total views
Hinimok ng opisyal ng Archdiocese of Manila Office of Communication ang mamamayan na gamitin ang mga kasanayan at makabagong teknolohiya sa pagpapalaganap ng mga Salita ng Diyos.
Ito ang hamon ni AOC Director at Radio Veritas Vice President Fr. Roy Bellen sa kasapi ng social communications ministry ng mga parokya lalo na sa mga dumalo sa ikatlong media camp ng arkidiyosesis.
Sinabi ng pari na tulad ng habilin sa ensiklikal na Intermirifica ni Pope St. Paul VI may mabubuting maidudulot ang makabagong teknolohiya kung ito ay gagamitin sa ebanghelisasyon.
“Anumang mayroon tayong tools o kagamitan o siyensya na maaaring magamit para ipahayag at maipakalat ang mabuting balita kailangan itong magamit. Huwag natin itong abusuhin at tiyaking magagamit ito para ang mga tao ay magkasundo, magkaroon ng pagkakaisa, para po ang katotohanan ay maipakalat, at of course, para ang dangal o dignidad ng mga tao ay mapangalagaan,” pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.
Batid ni Fr. Bellen na maaring maabuso ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence para sa pansariling kapakanan.
Tinuran ng pari ang mensahe ng Papa Francisco na ang lahat ng tools sa makabagong teknolohiya ay magagamit sa kabutihan kung napuspos ng Espiritu Santo at may mabuting pagpapasya ang bawat isa.
Nilinaw ni Fr. Bellen na ang taunang media camp ay paraan ng arkidiyosesis upang higit na mahubog ang kasanayan ng mga socom minister’s ng bawat parokya tungo sa pagmimisyon.
Tema sa media camp 2024 ang “Artificial Intelligence and the Wisdom of the Heart: Towards a Fully Human Communication’ na hango mula sa mensahe ng Papa Francisco sa 58th World Social Communications Sunday.
Bukod kay Fr. Bellen nagbahagi rin ng panayam sina Fr. Jojo Buenafe, Rappler Senior Reporter Paterno Esmaquel II, Jodel Sarmiento, Katie Diaz at Roy Mark Guttierez kung saan nakatuon ang mga panayam sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya lalo na ang AI.
Nasa 64 na socom ministers ang dumalo sa pagtitipon na ginanap noong May 31 hanggang June 2 sa Caritas Philippines Development Center sa Tagaytay City.
Pinangunahan naman ni Fr. Ilde Dimaano ang Executive Secretary ng Social Communications Commission ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagdiriwang ng banal na misa bilang pagtatapos ng media camp.