227 total views
Magsasagawa sa ikalawang pagkakataon ng Solidarity Mass at Candle Lighting ang Association of Major Religious Superiors of the Philippines bilang pagtataguyod ng katarungan, katotohanan at kapayapaan.
Ayon kay Fr. Angel Cortez, OFM, Executive Secretary ng AMRSP, layunin nito na pagpanibaguhin ang pananampalatayang kristiyano ng mga Filipino upang maging saksi sa awa at habag ng Panginoon sa gitna ng mga pang-uusig sa simbahan.
“Our hope is that this will begin a renewal of the Christian faithful to be transformed into being faithful witnesses of God’s mercy and compassion in the face of persecution,” bahagi ng pahayag ni Father Cortez.
Ang Solidarity Mass ay isasagawa ng alas kuwatro kuwarenta’y singko ng hapon bukas ika-apat ng Septyembre sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help, Baclaran, Parañaque City.
Matapos ang banal na misa ay isasagawa ang pagsisindi ng mga kandila sa harapan ng National Shrine.
Ilan sa mga usaping pag-aalayan ng panalangin sa pagtitipon ang walang habas na pagpatay at paglaganap ng karahasan, kahirapan at kakulangan sa trabaho, soberenya ng Pilipinas, at ang pagbasura sa kasong sedisyon sa 36 na mga inakusahan ng Philippine National Police kasama na ang tatlong mga pari at apat na mga Obispo.