223 total views
Nanawagan ng pakikiisa at pakikibahagi ang Association of Major Religious Superior in the Philippines (AMRSP) para sa nakatakdang Solidarity Mass na isasagawa bilang pagpapakita ng suporta sa mga Obispo, Pari at mga layko na isinasangkot sa kasong sedisyon laban sa pamahalaan.
Ayon kay AMRSP Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, OFM ang nakatakdang misa ay naglalayun ring maipahayag ang paninindigan laban sa paglaganap ng kadiliman sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Iginiit ng Pari na mahalagang mamulat ang mamamayan sa katotohanan ng mga mali at hindi makatarungang nagaganap sa bansa na gawain ng walang pakialam sa kapakanan ng bayan.
Nakatakda ang Solidarity Mass bukas ika-6 ng Agosto sa Christ the King Seminary sa E. Rodriguez ganap na alas-kwatro ng hapon na inaasahang susundan rin ng candle lighting na sumisimbolo sa paghahangad ng kapayapaan at katarungan sa lipunan.
“Nananawagan kami na makiisa kayo sa isang banal na misa sa ganap na alas-kwarto ng hapon sa Christ the King Seminary sa E. Rodriguez upang ipakita natin ang ating lantarang suporta sa mga mahal nating Obispo at Pari na ngayon ay pinagbibintangan, ito ay isang misa upang ipahayag natin na tayo ay pumipiglas para sa pagkakabihag ng kadiliman sa kasalukuyang administrasyon, ito ay panawagan upang makita ng lahat kung ano ang kasinungalingan at mangibabaw ang katotohanan at maramdaman ng lahat na talagang lantaran na ang karahasan at ang minimithi natin ay katarungan at alam natin ang lahat ng ito ay dahil sa katrayduran ng marami, wala naman tayong ibang hinahangad kundi kapayapaan…” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang ibinahagi ng Pari na ang kasong sedisyon ay isang paraan ng paniniil sa Simbahan partikular na sa mga Pari at mga Obispong mariing nagsusulong ng kaayusan, katapatan at kapayapaan sa lipunan.
Samantala, bukod sa pagpapahayag ng suporta ipapanawagan rin sa solidarity mass ang pagtutok ng pamahalaan sa mga tunay na suliranin tulad ng patuloy na pagtaas ng kaso ng mga napapaslang, paninindigan sa soberenya ng bansa, pagtugon sa laganap na kahirapan at sitwasyon ng mga Filipinong manggagawa sa bansa.
Read: SOLIDARITY MASS AND CANDLE LIGHTING FOR THE THIRTY SIX ACCUSED OF INCITING TO SEDITION