202 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng paglubog sa baha ng mga lansangan sa Maynila nitong mga nakalipas na mga linggo, bumaha rin ang batikos at reklamo ng mga kababayan nating naperwisyo ng matinding baha sa kahabaan ng Roxas Boulevard at Taft Avenue. Hindi na bago ang pagbaha sa mga kalsadang ito tuwing umuulan, ngunit kapansin-pansing sobrang taas ang tubig-baha noon at matagal itong humupa kumpara sa mga nakalipas na panahon. Ang resulta: daan-daang komyuter ang stranded dahil hindi makadaan ang mga pampublikong sasakyan.
Lumabas na tatlo sa mga pangunahing drainage systems ng Maynila ang isinara dahil sa proyektong naglalayong linisin muna ang tubig na ilalabas sa Manila Bay. Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA), hindi pa natatapos ng Department of Public Works and Highways (o DPWH) ang pumping station at ang pagkakabit ng mga tubo kaya mabagal ang pagbaba ng tubig-baha sa kahabaan ng Roxas Boulevard at Taft Avenue. Dagdag ng MMDA, bahagi ang proyektong ito sa target ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) na gawing “swimmable” ang tubig sa Manila Bay. Bagamat sinabi ng acting general manager ng MMDA na wala raw kinalaman ang kontrobersyal na dolomite beach sa pagbaha sa Maynila, kinumpirma ng DPWH na kailangan daw palakihin ang kapasidad ng mga pumps sa tatlong pumping stations sa lungsod dahil sa requirement ng DENR na i-extend ang mga pipes patungo sa Manila Bay upang hindi marumihan ang dolomite beach. Dahil sa balitang ito, muli na namang pinuna at kinuwestiyon ng marami ang white sand beach sa Manila Bay.
Sa isang banda, mabuti ang layunin ng pamahalaang bawasan ang polusyon sa Manila Bay. Ngunit sa kabilang banda, ang layuning gawin itong “swimmable” o malalanguyan ay hindi tumutugon sa mga tunay na pangangailangan ng maraming Pilipino. Ang paglalaan ng pamahalaan ng 1.7 bilyong piso para sa Manila Bay Rehabilitation Program, kung saan kasama rito ang pagtatambak ng dinurog na dolomite sa maliit na bahagi ng dalampasigan ng Manila Bay, ay magiging mas kapakipakinabang sana sa maraming paraan. Sa panahong hiráp na hiráp ang mga mananakay sa pagbibiyahe, hindi na dapat dumadag pa ang pagbaha sa kalbaryong nararanasan nila.
Ngunit paano nga ba maiintindihan ng pamahalaan ang hirap ng mga Pilipinong komyuter kung komportable silang nakaupo sa kani-kanilang pribadong sasakyan? Paano nga ba nila masosolusyunan ang bulok na sistema ng pampublikong transportasyon kung hindi nila nararanasan ang pinagdaraanan ng mga mananakay? Ilang taon nang iniinda ng masa ang hirap sa pagkokomyut. Maraming oras nila ang nasasayang sa mabagal na usad ng daloy ng trapiko—oras na sana ay inilalaan nila sa pagpapahinga at sa piling ng kanilang pamilya.
Mandato ng gobyernong pagsilbihan ang publiko, hindi ang payamanin ang kanilang mga sarili o mga pribadong interes. Gaya ng ipinapahayag sa Lucas 12:48, ang mga pinunong “binigyan ng marami ay hahanapan ng marami, [at] mas marami ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.” Sinasabi pa Catholic social teaching na Rerum Novarum, ang pangunahing tungkulin ng mga namumuno ay tiyaking ang mga batas, patakaran, at programa nito ay naglalayong matamo ang kabutihang panlahat at kaunlaran ng mamamayan. Samakatuwid, dapat na pangalagaan ng mga tagapamuno ng Estado ang mga miyembro ng komunidad. Tungkulin ng mga may katungkulan sa pamahalaang tiyaking maayos ang kalidad ng pamumuhay ng mga taong pinaglilingkuran nila.
Mga Kapanalig, may karapatan tayong hingin sa ating pamahalaan ang maayos na serbisyong pampubliko dahil taumbayan ang nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan. Itinatag ang pamahalaan dahil ito ang inatasang tutugon sa anumang suliraning susulpot sa ating komunidad. Umiiral ang mga ahensya at departamento nito upang makabuo ng mga solusyong magpapadali—hindi magpapabigat—sa buhay ng mga tao.