986 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang pagbisita sa opisina ng Asian Development Bank (o ADB) noong isang linggo, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr na pinaplano ng kanyang administrasyong magtatag ng nationwide food stamp program. Hiningi niya ang suporta ng ADB para sa programang maglalayong ibsan ang kagutuman sa bansa.
Unang iminungkahi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng food stamps sa mahihirap. Bilang tugon iyon sa lumabas sa survey ng Social Weather Stations na nasa tatlong milyong pamilyang Pilipino ang nakararanas ng gutom noong huling tatlong buwan ng 2022. Pinakamataas ang tinatawag na hunger rate sa Mindanao na tinagurian pa namang “food basket” ng ating bansa. Nasa 12.7% ng mga tinanong doon ay nagsabing nakaranas sila ng gutom at walang makain ang kanilang pamilya noong nakaraang tatlong buwan bago isagawa ang survey. Sa nagtataasang presyo ng mga bilihin ngayon, tiyak na mas marami pa ang nahihirapang makapaghain ng pagkain sa kanilang hapag o kaya naman ay bumibili na lamang ng mga mura ngunit ‘di masusustansyang pagkain.
Ang pamamahagi ng food stamps ay isinasagawa sa iba’t ibang bansa, kahit pa sa mayayamang bansa katulad ng Estados Unidos at Canada. Sa Amerika, halimbawa, ibinibigay ang food stamps sa mga pamilyang pasók sa itinakdang criteria, pangunahin na rito ang kanilang kinikita o income. Ipinadadala ng gobyerno ang buwanang ayudang pera sa pamamagitan ng tinatawag na electronic benefit trasnfer card na siya namang gagamitin ng benepisyaryo upang makabili ng pagkain sa mga authorized na tindahan at pamilihan.
Kung maisasakatuparan ang isang nationwide food stamp program sa bansa—at kung hindi ito gagamitin sa katiwalian at kung matitiyak na maabot nito ang mga pamilyang nasa mga lugar na mahirap marating—isa itong positibong hakbang sa pagsusulong ng dignidad ng ating mga kababayang nasa laylayan. Ang pagkakaroon ng sapat at masustansyang pagkain ay isang saligang karapatang pantao.
Maituturing din ang food stamp program na isang paraan ng paglaban sa tinatawag ng ating Simbahan na “scandal of hunger”. Bakit iskandalo? Dahil sa harap ng modernong teknolohiya at maulad na ekonomiya, mayroon tayong mga kapatid na hindi nakakakain nang tatlong beses sa isang araw at mga bata at matatandang kumakalam ang sikmura. At sa mga lungsod, makikita natin kung gaano karaming pagkain ang naaksaya—itinatapon na lamang sa mga basurahan dahil hindi natin maubos o dahil napabayaan nating masira. Nakadudurog ng pusong makita ang mga kapatid nating hinahalukay ang mga tambak ng basura sa pag-asang may pagkain silang makikita.
Pero kasabay din sana ng pamamahagi ng food stamps ang isang malawakang programang magbabawas sa pag-aaksaya natin sa pagkain. Itataguyod naman nito ang tinatawag natin sa Simbahan na “fraternal solidarity” sa mga kababayan nating nagdurusa dahil sa iskandalo ng kagutuman. Kung pinahahalagahan nating mga indibidwal at ng mga negosyo ang pagkain sa pamamagitan ng responsableng pagkonsumo, nagiging makatarungan tayo at nakakapagkawanggawa sa ating kapwang walang makain. Ang kagutuman ay bunga ng kabiguan nating maging kapatid sa ating kapwa. Sa pag-aaksaya ng pagkain, para na rin nating pinagkaitan ng pagkain ang mga nagugutom.
Sa totoo lang, may sapat namang pagkain para sa lahat. Hindi ba’t ganito ang ipinahihiwatig ng himala ng pagpaparami ng tinapay at isda na matutunghayan natin sa Juan 6:1-15? Kung magsusumikap tayong ipamahagi ang pagkaing mayroon tayo, walang hindi makakakain.
Mga Kapanalig, biniyayaan ang Pilipinas ng mga likas-yamang magbibigay sa atin ng sapat na pagkain. Kailangan lamang, sa isang banda, ng gobyernong magtitiyak na may sapat na pagkain ang lahat ng pamilya. Sa kabilang banda, kailangan din ng malalim na pagbabago sa kung paano natin pahalagahan ang pagkain nang hindi ito naaaksaya.
Sumainyo ang katotohanan.