1,982 total views
Hindi ang bigat ng kaparusahan tulad ng death penalty ang tugon upang mapababa ang kriminalidad sa lipunan.
Ito ang binigyang diin ni Gerry Bernabe, Convenor ng Coalition Against Death Penalty kaugnay sa patuloy na pagsusulong ng ilang mga mambabatas na muling maisabatas ang death penalty sa Pilipinas.
Sa halip ayon kay Bernabe ay ang katiyakan na maipapatupad ang parusa sa mga nagkasala at mga kriminal.
“Doon sa certainty na mapaparusahan yung nakagawa ng krimen yun ang magiging solusyon sa lumalalang kriminalidad, yung tipong hindi mo malalagyan o hindi mo kayang bilhin ang hustisya, yun yung deterrent at hindi yung parusang kamatayan,” ang bahagi ng pahayag ni Bernabe sa panayam sa Radyo Veritas.
Binigyang diin pa ni Bernabe ang negatibong magiging epekto ng pagbabalik ng death penalty sa kredibilidad ng Pilipinas sa international community kung saan may tratadong kinabibilangan ang bansa tulad ng pagkilala sa karapatang pantao at pagwawaksi sa parusang kamatayan.
“Naniniwala tayong hindi solusyon ang death penalty kaya inalis natin at hindi na natin ibabalik muli kaya ang isang repercussion niyan o ang isang masamang epekto niyan ay kapag binawi mo yun at inintroduce mo yung death penalty ay sasama yung lugar ng Pilipinas sa international community,” ayon pa kay Gerry Bernabe.
Sa datos ng Philippine Statistical Authority (PSA) mula taong 1985 o bago pa man muling ipatupad ang Death Penalty sa bansa noong 1992 ay mabilis na ang naitalang pagbaba ng kriminalidad sa lipunan hanggang 2008 na nagpapakita na walang direktang kaugnayan sa naging pagpapatupad ng parusang kamatayan sa pagpapababa ng kriminalidad sa bansa.
Taong 2006 ng opisyal na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagbuwag sa Death Penalty kung saan sa ilalim rin ng Administrasyong Arroyo nilagdaan ng Pilipinas ang Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights na nagbabawal sa mga kaisang bansa na muling ibalik ang Capital Punishment na parusang kamatayan.
Una na ring nanindigan ang CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na ang paghahangad ng katarungan ay hindi ganap na makakamit sa pamamagitan ng pagpapataw ng parusang kamatayan o death penalty sa mga nagkasala na nararapat na bigyan ng pangalawang pagkakataon upang makapagbagong buhay.