324 total views
Ikinalulungkot ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Vice-President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang lumalalang culture of impunity sa bansa.
Tinukoy ni Bishop David ang walang saysay na pagpatay ng mga naka-bonnet sa 18-taong gulang na college student na si John Cyrell Ignacio at 31-taong gulang na si Jobert Cabigo sa Tinajeros, Malabon.
Apat ding indibidwal na bisita sa isang birthday party ang nasugatan sa pamamaril ng mga naka-bonnet na suspek.
Ayon kay Bishop David, gasgas at paulit-ulit na ang alibi ng mga pulis sa tuwing mayroong napapatay.
“May pinatay na naman doon sa aming Diocese sa Malabon. 19 years old at 31 years old. Pinasok ng mga naka-bonnet ang sari-sari store na pinagdausan ng birthday. Mga hindi kilalang salarin, parating ganyan ngayon, parating hindi kilalang salarin.’’ pahayag ni Bishop David sa pogramang Barangay Simbayanan.
Heartbreaking
Ikinaantig ng puso ni Bishop David ang sumbat at mga katanungan sa kanya ng mga magulang at mahal sa buhay ng mga nasawing biktima.
Tinawag din ng Obispo na unfair at anti-poor ang anti-drug operations at anti-tambay campaign ng PNP.
Tapos noong Saturday ako yung namuno para doon sa funeral mass ng isang kabataan na disi-otso anyos lang. It was so heartbreaking. Dalawa silang pinatay, hindi naman sila tambay. Nandoon sila sa loob ng sari-sari store. Mayroon silang kaibigan na nagbi-birthday, tapos pinasok din sila ng mga naka-bonnet. Yung apat mga tinamaan din ng daplis na bala. So, nasa ospital pa rin. Iyong pagbasa pa naman galing sa John Chapter 11, typical yon, one of the recommended readings for a funeral mass, tungkol sa kamatayan ni Lazaro. Iyong pinakamasakit na bahagi doon yung i-confront ni Martha si Jesus. Ang sabi niya, kung nandito ka lang hindi sana namatay ang kapatid ko. Iyong sumbat ‘di ba? Tapos naiyak si Jesus. Alam mo, ganoon na ganon yung naramdaman ko, kasi bakit sila ng bakit sa akin.Bakit? Bakit Bishop? Bakit ang anak pa namin? Bakit siya pa? Hindi ko ‘yun masagot.”saad ni Bishop David
Sufferings
Iginiit ng Obispo na sobra-sobra na ang pagdurusa at injustice na dinaranas sa kasalukuyan ng mga mahihirap.
“Ito iyong mga pagdurusa na tinutukoy namin sa CBCP. Sabi ko nga, tingnan mo ngayon pati mga tambay pinagdidiskitahan. Hindi ba nila naiisip na yung mga bahay ng mga batang ito sa iskwater, mga katiting lang talaga? Kaya yung mga eskinita diyan din sila nagluluto, kumakain, nagpapahangin, naglalaro ang mga bata. Bakit ba ang mga bata kapag tumatambay sa Starbucks, hindi naman sila hinuhuli? Bakit ang dukha kapag tumambay sa labas para magpapahangin lang, huhulihin na? It is so unfair and so anti-poor. Wala ba tayong pakiramdam para sa kanila.” malungkot na pahayag ni Bishop David
Stop the killings, stop warrantless arrest!
Iginiit ni Bishop David na dapat kilalanin ng pamahalaan lalo na ng mga otoridad ang “civil liberties” ng mamamayan.
Hinimok ng Obispo ang mga otoridad na sa halip na patayin ang mga sangkot sa iligal na droga ay i-rehabilitate sila at itigil na ang warrantless arrest sa mga tambay.
Naniniwala si Bishop David na ang gobyerno natin ang nagiging kriminal dahil ang ginagawang pagsupil sa krimen ay sa pamamagitan din ng pamamaraang kriminal.
“Dapat talaga matigil ‘yang negosyo sa iligal na droga pero hindi naman sa pamamagitan ng pagpaslang sa mga biktima mismo. May sakit sila, may mga paraan para mapagaling natin. Paano mo pa maire-rehabilitate yung mga patay? Kaya huwag tayong maniniwala na kaya nating supilin ang krimen sa pamamagitan rin ng mga pamamaraang kriminal. Otherwise, ang gobyerno mismo natin ang nagiging kriminal. Hindi tama iyon. Tapos ‘yung pag-aaresto ng walang warrant, pagpasok sa mga bahay na walang warrant, hindi naman tayo Martial law di ba? Dapat kinikilala natin ang mga civil liberties. Sinasabi lang natin na gawin naman natin ang tama nang naaayon sa batas. Kung may pagkakamali yung tao at may ebidensiya ka at may charges ka with the person, arestuhin siya. Pero huwag naman ‘yung para bang tuldukan ‘yung buhay ng tao. Hindi tayo Diyos. Huwag tayo magdi-Diyos-diyosan.”
Unabated killings
Ibinunyag din ni Bishop David sa panayam ng Barangay Simbayanan na hindi lang isang tambay ang namatay sa kanyang Diyosesis.
Inihayag ng Obispo na sinabi sa kanya ng isang photo journalist na mayroon pang apat na hindi kilalang bangkay ang nasa morgue na galing sa isang police station.
“Hindi lang isang tambay na namatay doon sa amin, mayroon pang apat na bangkay doon sa morgue na galing sa police station. So, hindi pa sila na-a-identify. In-alert lang ako ng isang photojournalist. Sabi niya, ayaw pong ibigay ang mga pangalan sa amin.” pahayag ng Obispo
Nilinaw ng Obispo na bunsod ng ganitong nakakadurog ng puso na pangyayari sa mga mahihirap ay binuksan ng Simbahan ang kanyang pintuan para sa mga naulila.
“Ito ‘yung para bang madudurog talaga ‘yung puso mo lalo na kapag nakilala mo ang asawa, mga anak. Kanino ba lalapit ‘yung mga biyuda? Kanino ba lalapit ‘yung mga naulila? Eh ‘di sa simbahan rin. Kaya binubuksan namin ang pintuan ng simbahan para naman matulungan, makaakay tayo nang kaunti, kahit kaunti lang sa kanila.” malungkot na pahayag ni Bishop David.
Sa pinahuling datos ng PNP, umaabot na sa 23,000 ang nasawi o death under investigation sa madugong kampanya ng iligal na droga sa bansa.
Batay din sa datos ng PNP, mahigit sa 10,000 tambay na ang dinakip sa Oplan Tambay ng pamahalaan.
Nabatid ng Veritas Research team na nitong nakaraang ika-14 ng Hulyo 2018 ay 6 na drug suspect ang nasawi sa magkahiwalay na operasyon ng PNP sa Pasay City,Quezon City at Bulacan.