139 total views
Nanawagan na ang isang obispo ng Simbahang Katolika sa mga kapwa obispo nito na sama-sama na silang magsalita sa usapin ng operasyon ng pamahalaan laban sa iligal na droga kung saan libo-libo na ang napapaslang.
Ayon kay Novaliches bishop emeritus Teodoro Bacani Jr., ito ay upang lumakas ang tinig ng Simbahan at para mahikayat na rin ang mamamayan na magsalita na rin lalo na at takot ang namamayani sa kasalukuyan.
Pahayag pa ng obispo, sa kanyang mga kakilala, matagal na niyang sinasabi na magkaisa para sa iisang tinig na mariing tumututol sa lumalaking bilang ng mga biktima ng extrajudicial killings may kinalaman sa Oplan Tokhang ng administrasyong Duterte.
“Pakiusap ko sa ating mga obispo, magsalita ng sabay-sabay, sama-sama collectively hinihintay ko yan, pinu-push ko yan sa mga kakilala ko na magsalita, kasi sasabihin ng mga tao di naman nagsasalita ng sama sama ang mga obispo, kinakailangan we have to speak loudly and in a united way laban dito.” Mariing pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radyo Veritas.
Binigyang diin ni Bishop Bacani na sang-ayon sila sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga dahil ito ay salot sa lipunan.
Subalit mariing tinututulan nito ang mga nagaganap na pagpatay dahil ito ay hindiu lamang pisikal na masama kundi ito ay immoral na hindi kailanman sinasang-ayunan ng Panginoon.
“Sang-ayon tayo sa paglaban sa iligal na droga na talagang malaking salot, pero dapat ito ay ayon sa kalooban ng Diyos, kahit gaano kaganda ang layunin mo hindi ka puwede gumamit ng paraan na masama na immoral hindi lamang pisikal na masama kundi immoral, alam naman natin di naman nanlalaban, di naman naglalagay sa panganib sa buhay mo tapos papatayin mo yun tao.” Sinabi pa ni Bishop Bacani.
Sa huling ulat ng Philippine National Police, umaabot na sa mahigit 4, 000 ang napaslang may kaugnayan sa kampanya kontra droga habang nasa mahigit 700,000 ang sumukong drug users at pushers simula ng maluklok sa puwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte. Una na ng iginiit ng Simbahang Katolika na nararapat pa ring pairalin ng mga otoridad ang “due process” at igalang ang karapatang pantao maging ng mga hinihinalang kriminal.