379 total views
Patuloy ang panawagan ng tulong ng Simbahang Katolika para sa mga biktima ng kalamidad gaya ng nagdaang Bagyong Nina na nanalasa sa regions 4-A,B, 5 at 8 at sa sunog sa Lungsod Quezon.
Dahil dito, ayon kay Rev. Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radyo Veritas at executive director ng Caritas Manila, nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga parokya ng buong Archdiocese of Manila na magsagawa ng special collection sa mga Misa.
Sinabi ni Fr. Pascual, ito ay upang makadagdag sa tulong na ibibigay sa mga nasalanta ng Bagyong Nina sa Camarines Sur, Catanduanes at Albay.
“Magkakaroon ng panawagan si Cardinal Tagle sa Simbahan na magkaroon ng special colletcion para sa mga biktima ng typhoon Nina, katatapos lang kasi ng typhoon Lawin hindi pa tayo tapos sa rehabilitation sa typhoon Lawin, then nagkasunog sa Quezon City, 1,000 pamilya ang nasunugan, nakakalungkot.” Pahayag ni Fr. Pascual
Una ng naglabas ng P1.3 milyon ang ArchAm sa pamamagitan ng Caritas Manila para sa archdiocese ng Caceres, diocese ng Virac at diocese ng Legazpi para sa food at shelter assistance ng mga nasalanta ng bagyo.
Una na ring nanawagan si Fr. Pascual sa mga mananampalataya sa kanyang Misa na tulungan ang mga biktima ng kalamidad in cash o in kind donations kung saan tumatanggap ang himpilan ng mga tulong.
“Sasaklolo tayo sa abot ng ating makakaya sa Caritas Manila sa tulong na rin ng ating mga kapanalig, kahapon nanawagan na tayo na mag-donate in cash or in kind para sa Typhoon Nina at sa mga nasunugan sa Quezon City.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nasa mahigit 26,000 pamilya ang una ng dinala sa mga evacuation centers sa kasagsagan ng bagyo noong kapaskuhan.