192 total views
Magkakaroon ng espesyal na Manila Archdiocesan General Pastoral Assembly ang Archdiocese of Manila sa unang araw ng Setyembre ngayong taon.
Ito ang inanunsyo ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa isinagawang July 2018 MAGPAS.
Ayon sa Obispo, mahalagang makibahagi ang mga lider mula sa mga parokya at mga organisasyon ng Simbahang Katolika ng Archdiocese of Manila sa nakatakdang Special MAGPAS na naglalayung talakayin ang ikatlong anibersaryo ng pagkakalathala sa Encyclical ni Pope Francis na Laudato Si.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, buong araw ang magiging talakayan upang mapalalim ang kamalayan ng mga lider ng mga parokya at organisasyon ng Simbahan sa Archdiocese of Manila sa napapanahong kahalagahan ng usapin sa pangangalaga ng kalikasan.
“Nananawagan po tayo sa Archdiocese of Manila na makiisa po lalong lalo na ang mga leaders ng parokya at ang ating mga organisasyon sa Special MAGPAS sa September 1 na ang paksa po ay Laudato Si, ito po ay buong araw na gagawin mula alas-otso hanggang alas-kwatro upang mapag-usapan natin ang napakahalaga at napapanahon na usapin na tungkol sa kalikasan natin…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag ng Obispo, layunin nitong patuloy na maipalaganap ang kaalaman at kamalayan sa naaangkop na pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng malalim na pagtalakay sa Encyclical Letter ni Pope Francis na Laudato Si.
Pagbabahagi pa ni Bishop Pabillo, ang naturang espesyal na edisyon ng MAGPAS sa Setyembre ay kasabay na rin ng World Day of Prayer for Creation na alinsunod na rin sa inilathalang Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis noong 2015.
Ang MAGPAS ay karaniwang ginawa anim na beses kada taon o tuwing makalawang buwan sa unang araw ng Sabado.
Noong Nobyembre ng nakalipas na taon ay opisyal na inanunsyo ni Bishop Pabillo na bilang pagpapalakas sa layunin ng MAGPAS ay gagawin nang regular ang pagtitipon at ang pagsasama-sama ng mga miyembro ng Simbahang Katolika sa buong Arkidioysesis tuwing unang Sabado sa mga buwan ng Enero, Marso, Mayo, Hulyo, Setyembre at Nobyembre.