193 total views
Tinatayang mga limang milyong kabataan ang may disabilities sa ating bansa. Sa bilang na ito, tinatayang 1.4% lamang ang nakapag-aral nitong panahon ng pandemya. Sa gitna ng pag-aalala natin, kapanalig, sa mga limitasyon ng ating teknolohiya at sistema ng edukasyon nitong pandemya, ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral na may special needs ay naging mas matingkad pa.
Bago pa man dumating ang pandemya, hirap na ang mga estudyanteng may special needs maka-access ng edukasyon. Sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies noong 2017, malaking bilang ng mga batang may kapansanan ang hindi nakakapasok sa paaralan dahil sa kakulangan sa budget o dahil sa kawalan ng access sa educational facilities gaya ng SPED centers. Maliban pa dito, ang mga paaralan natin, pati ang mga kalye at pampublikong sakayan, ay hindi PWD friendly.
Ang nakakalungkot, kapanalig, marami na sana tayong mga batas na nangangalaga sa kapakanan ng PWDs. Mayroon na tayong Magna Carta for PWDs at Batas Pambansa 344, isang batas na nagsasa-ayos ng mobilidad ng PWDs. Pero bakit hanggang ngayon, lalo ngayon, hindi sapat ang tugon natin para sa mga kabataang may special needs?
Nitong pandemya, ispesyal din ang naging hamon sa mga kabataang may ispesyal na pangagailangan. Unang una, mas matingkad kasi ang pangangailangan para sa face-to-face learning sa mga batang may special needs. Hindi lamang kasi papel at lapis ang special education, mas hands-on ang sistema dito. Dati, social at physical barriers lamang ang kanilang kinakaharap, ngayon, pati technological barriers na rin.
Ang mga modules at curriculum para sa special education ay kinailangan din ng malawakang pagrerebisa upang maging akma ang pagtugon at delivery sa panahon ng pademya. Marami sa mga paaralang nagpatuloy sa special education ay malikhaing naihalo ang edukasyon ng mga kabataang may ispesyal na pangangailangan sa pang-araw araw nilang buhay. Mas mabigat ito at mahirap, hindi lamang para sa guro, kundi para na rin sa mga kasama sa bahay ng mga mag-aaral. Mahirap man, ngunit kailangang maipagpatuloy. Ang learning, lalo na sa PWDs, ay hindi dapat tumigil.
Para sa mga pamilyang matagumpay na nairaos ang isang school-year para sa kanilang mga mag-aaral na PWDs, isaa itong napakalaking achievement. Sa kanilang tagumpay, dapat din nating makita kung ano ang dapat maitulong ng lipunan upang tunay na maging inklusibo ang edukasyon ng bayan. Ayon nga sa Populorum Progressio: basic education is the primary object of any plan of development. Kung walang batayang edukasyon, lalo na para sa mga marginalized at vulnerable gaya ng kabataang may special needs, wala ring pag-unlad na matatamo ang bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.