732 total views
Umaasa ang opisyal ng Vatican na mas yumabong ang pananampalataya ng mamamayan ng Archdiocese of Lipa sa Batangas kasabay ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng pagkahirang na arkidiyosesis.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown marapat na pagningasin ng mananampalataya ang diwa ng pagiging isang simbahang naglalakbay tungo sa iisang mithiing purihin ang Panginoon.
Tinuran ng arosbispo ang maalab na debosyon ng mamamayan mula nang maitatag na diyosesis noong 1910 hanggang hiranging arkidiyosesis noong 1972.
“It is my earnest prayer that the vibrancy in faith, constancy in hope, and consistency in charity which have distinguished the Archdiocese of Lipa since its foundation as a diocese in 1910 and recognized its elevation in 1972 may grow always more fervent in the hearts of everyone in this archdiocese,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.
Nakiisa rin si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagdiriwang kung saan binigyang diin ang koneksyon bilang Capampangan o taga-Pampanga sapagkat dalawang obispo mula Pampanga ang nanguna sa transition mula diyosesis patungong arkidiyosesis.
Tinukoy ni Bishop David si dating Manila Archbishop Cardinal Rufino Santos na naging administrator ng Lipa at ang kauna-unahang arsobispo ng Lipa na si Archbishop Alejandro Olalia.
Kinilala rin ng pangulo ng CBCP ang kahalagahan ng arkidiyosesis kung saan tatlong obispo ang naging cardinal, sina Cardinal Gaudencio Rosales at Cardinal Rufino Santos na kapwa naglingkod bilang obispo ng Lipa at arsobispo ng Maynila habang si Cardinal Ricardo Vidal naman na naging arsobispo ng Cebu.
Dalangin ni Bishop David ang pagbubuklod ng mananampalataya bilang isang simbahang naglalakbay.
“I hope and pray that under the pastoral leadership of the present archbishop Most Rev. Gilbert Garcera this vibrant local church its laity, religious, and clergy will continue to grow together in communion, participation, and mission into a truly synodal church,” ani Bishop David.
Kasabay ng ika-50 anibersaryo binuksan ng arkidiyosesis ang Jubilee Doors ng San Sebastian Cathedral sa pangunguna ni Archbishop Gilbert Garcera na sinaksihan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula-ang punong tagapagdiwang sa buong selebrasyon, Archbishop Brown na panauhing pandangal, mga obispo ng Ecclesiastical Province of Manila at Lipa, mga pari at layko ng arkidiyosesis.
Ginawaran din ng Vatican ng plenary indulgence ang arkidiyosesis sa mga mananampalatayang magkaroon ng pilgrimage sa lugar kung ito ay mangungumpisal, tatanggap ng komunyon at ipanalangin ang natatanging intensyon ng Santo Papa.
Batay sa kasaysayan 1910 nang maitatag ang Dicoese of Lipa at pormal na naihiwalay sa Archdiocese of Manila habang 1972 naman ng hiranging arkidiyosesis ni St. Pope Paul VI.
Kasalukuyang pinamunuan ni Archbishop Garcera ang arkidiyosesis katuwang ang mahigit 200 mga pari na nangangasiwa sa 95-porsyentong katoliko sa tatlong milyong populasyon.