192 total views
Binigyang diin ni CBCP Episcopal Commission on Health Care Executive Secretary Father Dan Cancino, M.I. na mahalaga din para sa kalagayan ng mga evacuees sa Batangas ang Spiritual nourishment.
Ayon sa pari, bumuo ng health package ang CBCP- ECHC kasama ang Camillian Fathers, Caritas Manila, Unilab, RCAM Health Care Ministry at iba pang ahensya para sa long term health care intervention sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Kasama sa packacge na ito ang psychological first aid o pagbibigay ng stress debriefing para sa naranasang takot at pangamba ng mamamayan.
Bukod dito mayroon ding traumatic medical intervention na higit na kinakailangan ng vulnerable section ng mga bata, matatanda at may mga espesyal na pangangailangan o people with disability.
Ikatlong bahagi ng package ay ang food suplements at feeding sa mga malnourish dahil madalas na kulang sa sustansya ang instant na mga pagkaing ipinadadala sa evacuation areas.
Sinabi ng pari na higit na mahalaga ang Spiritual nourishment para sa pananampalataya ng mamamayan lalo na ang mga nawawalan na ng pag-asa dahil sa hirap na pinagdaraanan dulot ng kalamidad.
“Meron kaming binubuong package doon sa health intervention because this will be a long term crisis intervention primarily sa health. Of course yung package din would include spiritual nourishment, hindi lang nourishment sa pag-iisip, sa katawan pero lalong-lalo na doon sa spiritual. So ito yung mga packages na ginagawa at gagawin pa natin at our long term intervention sa mga evacuation centers.” pahayag ng Pari sa panayam ng Radyo Veritas.
Inumpisahan ang spiritual nourishment sa pagdaraos ng mga banal na misa at dito ay naglalaan ang mga pari ng spiritual counseling.
Ayon kay Father Cancino, maaring sabay nang matukoy sa spiritual counseling ang pinagdaraanang mental disorder ng isang tao at mula dito ay ginagawa naman nila ang referal system para sa mga eksperto sa sikolohikal na aspeto.
“Mag-uumpisa po tayo sa mga misa at itong mga misang ito pwede ring mag-extend sa mga spiritual counseling lalong lalo na sa mga nawawalan na ng pag-asa, o kaya naman dahil magdudulot ito ng isang mental disorder puwede itong matuhog na doon sa ating tinatawag na referal system, meron tayong referal system na ginagawa sa ating mga partners.” Pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Unang binigyan ng Health Care package ang mga evacuees sa munisipalidad ng San Luis at Balayan.
Patuloy naman ang panghihikayat ng CBCP ECHC sa mga nais mag volunteer na tumulong sa pagbibigay ng psychological first aid.
Nagbibigay sila Father Cancino ng trainings para sa mga volunteer na maaaring maging mga psychological first aiders.