153 total views
Handa na ang Minor Basilica of the Black Nazarene o kilala bilang St. John the Baptist Parish sa taunang kapiyestahan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Quiapo Church, layon ng Traslacion 2018 na mapag-ibayo ang esprituwalidad ng bawat deboto at maunawaan ang kanilang pananampalataya.
“This year, ngayon po ay pag-iibayuhan na tutukan ang ‘spirituality’ ng mga gawain na ito. Magkakaroon po ng pagdarasal ng Rosaryo sa lahat ng ruta na daraanan. Pinakikiusapan po namin lahat ng mga barangay na madarananan ipagamit ang mga ang trompa nila para at least kahit paano ang mga tao ay may maririnig na nagdarasal,” ayon kay Fr. Badong.
Ngayong taon, tema ng Traslacion 2018 ng Poong Hesus Nazareno: Ang Daan, Ang Katotohanan at Ang Buhay.
Paliwanag pa ni Fr. Badong, patuloy din ang pagbibigay ng buwanang ‘formation’ ang Quiapo Church sa mga balangay o mga deboto ng Poong Hesus Nazareno.
“Yun po ang hangad ng simbahan na matulungan sila na mapalalim at maunawaan ang pagiging deboto. Yung nga lamang malaking hamon dahil every year ang dumadating na bagong deboto, walang formation, hindi nag-a-attend sa simbahan.Dito sa Quiapo mayroon silang formation monthly. They have to attend especially ang mga officers kung talagang gusto nilang maging affiliated sa Quiapo. Meron din silang recollection at retreat. Tsaka iyong aming panawagan na pagtanggap ng mga sakramento lalu na ang kasal,” ayon pa kay Fr. Badong.
Limang libong pulis naman ang itatalaga ng Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad ng mga deboto na dadalo sa taunang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno bukod pa sa 1,500 na mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na siyang magbabantay sa paligid ng Quirino Grandstand at sa paligid ng simbahan.
Sa nakalipas na taon, umaabot sa 20 oras ang prusisyon na dinaluhan ng milyon-milyong bilang ng mga deboto. Taong 2012 nang maitala ang pinakamatagal na prusisyon na umabot sa 22 oras.