87,349 total views
Kapanalig, katatapos lamang ng Palarong Pambansa – isang national activity, na sana’y lagi nating nabibigyan ng suporta. Malaking bagay ito, hindi lamang para sa mga kabataan, kundi para sa nation building at national pride.
Kailangang manatiling malaki at mahalaga ang papel ng sports sa buhay ng kabataan sa sa ating bansa. Unang una, ito ay nagbibigay ng pisikal na kalakasan at kalusugan. Sa pamamagitan ng sports, naiiwasan ng kabataan ang mga sakit na dulot ng sedentary lifestyle, na kay hirap iwasan ngayon dahil sa tukso ng social media, internet, at mga gadgets.
Ang sports ay nagpapaunlad din ng karakter. Tumutulong ito sa paghubog ng disiplina. Ang sports ay nagtuturo ng mahahalagang ugali sa buhay gaya ng teamwork, leadership, at perseverance. Ang mga kabataang naglalaro ng sports ay madalas na nagiging mas responsable, disiplinado, at may mataas na self-esteem.
Isa rin itong paraan upang matuto ang kabataan na magmahal, makiisa, at makisama. Sa pamamagitan ng sports, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga kabataan na makakilala ng mga bagong kaibigan at makipag-ugnayan sa iba’t ibang tao. Ito ay nagtataguyod ng pagkakaisa at pagkakaintindihan sa komunidad.
Ang sports ay nagdadala rin ng mas maraming oportunidad upang mas ma-improve ng kabataan hindi lamang ang kanilang galing sa laro, kundi pati sa iba pang kasanayan na magpapalawak pa ng kanilang experience, kasanayan, at kamalayan. Isang ehemplo ay ang pagbibigay ng maraming paaralan at unibersidad sa Pilipinas ng mga scholarship sa mga mag-aaral na magaling sa sports. Ang ganitong oportunidad ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga kabataan na magkaroon ng magandang edukasyon habang tinutuloy ang kanilang passion sa sports.
Ang sports din ay larangan ng mga bayani, na nagiging inspirasyon ng maraming mga kabataan na magsumikap pa sa buhay. Ang mga ehemplo gaya ni Manny Pacquiao sa boxing at Hidilyn Diaz sa weightlifting ay nagsisilbing huwaran sa kabataan. Naiiwas sila sa masasamang bisyo at nagiging abala sa sports na nagbibigay ng positibong alternatibo at layunin sa kanilang buhay.
Maganda sana na mabigyan ng mas malaking budget ang sports sa bayan, para maging mas inclusive at malawig ang programa nito. Mas maraming mga kabataan sa probinsiya at mga marginalized populaitons ang makikinabang kapag ginawa natin ito. Sa ngayon, tinatayang nasa 0. 04% lang ng national budget ang ang budget para sa Philippine Sports Commission. Ang Gaudium et Spes, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, ay nagpapa-alala sa atin na dapat lahat tayo ay may access sa lahat ng kailangan natin para sa genuine o tunay na makatao at makatarungang buhay. Ang sports ay isa sa mga serbisyo na makakatulong sa ating kabataan na maabot ang kanilang potensyal at kaganapan bilang taong nilikha sa anyo ng Diyos, kaya sana suportahan natin ito.
Sumainyo ang Katotohanan.