312 total views
Nagpahayag ng pasasalamat ang Ambassador ng Sri Lanka sa Pilipinas sa simpatya, pakikiramay at pananalangin ng mga Filipino para sa kapakanan ng mga Sri Lankan kasunod ng madugong Easter Sunday Terror Attack sa bansa.
Ayon kay Sri Lanka’s Ambassador to the Philippines Aruni Ranaraja na personal na dumalo sa isinasagawang Holy Mass and Holy Hour for Peace in Sri Lanka and Earthquake Victims sa National Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Makati City malaking bagay para sa Sri Lankan community sa Pilipinas ang pakikiisa ng mga Filipino sa oras ng pagluluksa ng kanilang bansa.
Pinuri ni Ambassador Ranaraja ang kabutihan ng mga Filipinong nagsilbing sandigan at karamay ng maraming Sri Lankan kasunod ng naganap na trahedya.
“As you know the Easter Sunday in Sri Lanka last 21st, Sri Lanka was devastated we never expected such a thing I’m in a shock actually and I still wondering if I am in a dream but the Filipino people, the Filipino friendly people came and they came to us and they gave solidarity, so thank you very much for that solidarity, Philippines has been always very good for Sri Lanka during our previous difficulties Philippines has been a friend so I’m very grateful to the Filipino people, thank you.” pasasalamat ni Ambassador Ranaraja sa panayam sa Radyo Veritas.
Bukod dito, nagpahayag rin ng pasasalamat si Ambassador Ranaraja sa pamunuan ng National Shrine of Our Lady of Guadalupe sa Makati City sa pagsasagawa ng banal na misa at holy hour for peace na partikular na inialay para sa Sri Lanka.
Paliwanag ni Ambassador Ranaraja, higit sa anupaman ay panalangin ang lubos pang kinakailangan sa ngayon ng kanilang bansa upang agad na makabangon at malagpasan ang naganap na marahas na insidente na ikinasawi ng mahigit sa 250 inosenteng indibidwal.
“You know as the Parish Priest just said, prayers and the blessings is important and not to hate anybody, so my message is peace you have to pray for the country that’s my message to the people you have to pray” Dagdag pahayag ni Ambassador Ranaraja.
OUR LADY OF GUADALUPE – PRO-LIFE PATRONESS
Makakatagpo ang bawat isa ng pag-asa at panibagong lakas kay Hesus na muling nabuhay.
Ito ang mensahe ni Rev. Fr. Eric Castro, Rector ng National Shrine of Our Lady of Guadalupe, Makati sa isinagawang misa at holy hour ng pambansang dambana para sa mga biktima ng madugong Easter Sunday Terror Attack sa Sri Lanka at maging sa mga biktima ng magkakasunod na lindol sa Pilipinas.
Paliwanag ng Pari, tulad ng mensahe ng Our Lady of Guadalupe na siyang pro-life patroness ng bansa, mahalagang mapanatili ng bawat isa ang pananampalataya sa Panginoon at humingi ng panibagong lakas kay Hesus upang tuluyang malagpasan ang mga hamon sa buhay.
“Bagamat nakakalungkot isipin, ang mensahe siguro nitong Misa at Holy Hour na ito ay makakatagpo tayo ng pag-asa, makakakuha tayo ng lakas kay Hesus na muling nabuhay kasi nangyari, naganap ay kapaskuhan ng pagkabuhay kaya tayo ay humihingi kay Hesus na muling nabuhay ng lakas at pag-asa para malampasan ang lahat ng ito… ang National Shrine ng Our Lady of Guadalupe is a pro-life shrine at ang Our Lady of Guadalupe is the pro-life patroness of the Philippines kaya para sa buhay kailangan naninindigan tayo para sa buhay…” pahayag ni Father Castro sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi naman ni Fr. Castro na bilang mga Katoliko’t Krisyano ay mahalaga ang pakikiisa ng mga Filipinong Katoliko maging sa mga mananampalataya sa ibayong dagat na dumaranas ng paghihirap at pagdurusa dulot ng karahasan.
Dahil dito inihayag ng Pari na naaangkop lamang na magpaabot ng pananalangin at pakikibahagi ang mga Filipinong Katoliko sa mga Sri Lankan na lubos na naapektuhan ng naganap na karahasan.
Samantala, nagpahayag rin ng pasasalamat ang Sri Lankan Resident Guest Priest ng National Shrine of Our Lady of Guadalupe na si Fr. Maximus Pushpakumara sa naging mainit na pakikiisa ng mga mananampalataya ng pambansang dambanan sa isinagawang Mass and Holy Hour for Peace in Sri Lanka and Earthquake Victims na dinaluhan rin ng Sri Lankan community sa bansa.