420 total views
Nananawagan ang Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA) sa mga kakandidato para sa 2022 National and Local Elections na manindigan laban sa pagtatayo ng New Centennial Water Source o ang Kaliwa Dam Project.
Ayon kay Franciscan priest Father Pete Montallana, Chairperson ng SSMNA, nawa’y marinig ng mga kakandidato ang matagal nang panawagan at hinaing ng mga katutubong lubhang maaapektuhan ng proyekto.
Sinabi ni Fr. Montallana na patuloy na nakakatanggap ng pagbabanta sa buhay ang mga katutubo mula sa kasalukuyang administrasyon na nagtutulak para tuluyan nang masimulan ang pagtatayo sa Kaliwa Dam.
“Kaya’t panawagan ko sa mga kakandidato na kung talagang sila’y para sa mahihirap, then they move. Ipahayag nila na sila ay hindi papayag na ang mahihirap na katutubo ay babrasuhin na lamang ng makapangyarihang pamahalaan alang-alang lamang sa kanilang tutubuin dito sa Kaliwa Dam,” pahayag ni Fr. Montallana sa panayam ng Radio Veritas.
Noong Enero 26, 2022, naglabas ng bukas na liham ang grupo ng mga katutubong naninirahan sa bulubundukin ng Sierra Madre upang ipahayag ang saloobin hinggil sa hindi pagpapahintulot na lumahok sa pag-uusap para sa Memorandum of Agreement kaugnay sa Kaliwa Dam project.
Batay sa liham, nakaranas ng hindi pantay na pakikitungo ang mga katutubong Dumagat-Remontado mula sa mga tauhan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Dito’y sinabihan silang kailangan munang magpa-antigen testing bilang panuntunan ng lokal na pamahalaan ng General Nakar, Quezon laban sa COVID-19, malinaw na alam din ng LGU na labag ito sa sagradong kultura ng mga katutubo.
“Ang alam namin ang aming pupuntahan ay meeting at hindi para magpatest. Wala rin sa imbitasyon na may ganitong gagawin at sinabi ng NCIP na wala kaming problema sa checkpoint ng COVID at sila na ang bahalang makipag-usap. Taliwas sa sinabi nila na may pananakot na bahala na ang awtoridad sa amin kung sakaling hindi talaga kami susunod sa protocol,” pahayag ng mga katutubo.
Giit pa ng mga katutubo na alinsunod sa Republic Act 11525, Section 12, hindi maaaring ituring ang vaccination card bilang karagdagang requirement sa anumang transaksyon ng pamahalaan tulad ng negosasyon hinggil sa MOA.
“Hindi pwedeng ituring ang vaccine card na additional requirements sa trabaho, pag-aaral at iba pang mga transaksyon sa gobyerno gaya ng MOA Negotiation na ginagawa na kasama sana kami sa mahalagang pag-uusap na ito,” ayon sa liham.
Ang Kaliwa Dam project ay bahagi ng programa ng pamahalaan na sinasabing makakatulong upang mabawasan ang kakulangan sa supply ng tubig sa Metro Manila.
Kung ito’y magpapatuloy, maaapektuhan ng proyekto ang aabot sa humigit-kumulang 11-libong pamilyang naninirahan sa 28-libong ektaryang lupain at halos 300-ektaryang kagubatan ng Sierra Madre.