3,208 total views
Ipagpatuloy ang laban para sa Sierra Madre at sa mga susunod na henerasyon.
Ito ang pahayag ni Diocese of Infanta Indigenous Peoples` Apostolate coordinator, Fr. Pete Montallana, OFM kaugnay sa paggunita sa Linggo ng mga Katutubo.
Ayon kay Fr. Montallana, ang mga katutubo ang inspirasyon ng Save Sierra Madre Network Alliance Inc. (SSMNA) sa pangangalaga sa inang kalikasan lalo na sa Sierra Madre na nanganganib na mapinsala dulot ng pag-unlad.
“Napakahalaga nila (katutubo) kasi sila ang nagtuturo kung paano natin dapat ituring ang kalikasan. Bahagi ng ating buhay ang kalikasan at kailangan din na tayo’y magbigay buhay sa kalikasan,” pahayag ni Fr. Montallana.
Patuloy ang pagiging aktibo ng SSMNA sa pagtataguyod sa bulubundukin laban sa malalaking proyekto tulad ng Kaliwa Dam na sumira sa mga katutubong lupain at nagdulot ng panganib sa buhay ng mga katutubo.
Samantala, iginiit naman ng pari na ang kalikasan ay hindi lamang bahagi ng buhay, bagkus buhay na dapat pagyamanin at pangalagaan ng bawat isa.
Sa ganitong paraan ay nagagampanan ng tao ang pagiging mabuting katiwala ng sangnilikha na handog lamang ng Diyos, at hindi dapat angkinin kahit sino man.
“Sa bawat hakbang na ating ginagawa, sana ay maging salamin ito ng mga aral at paniniwala ng ating mga katutubo,” ayon kay Fr. Montallana.
Itinalaga sa Pilipinas ang ikalawang Linggo ng Oktubre bilang Indigenous Peoples’ Sunday upang kilalanin ang mahalagang gampanin ng mga katutubo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Ito rin ang hudyat ng pagtatapos ng pagdiriwang ng simbahan sa Season of Creation sa bansa.