540 total views
Isinusulong ng Motorcycles Philippines Federation (MPF) na maging miyembro ng Social Security System o SSS ang mga ‘riders’ sa ilalim ng mga food delivery at courier services application companies na kanilang pinaglilingkuran.
ito ay kasunod ng pahayag ng SSS na maging miyembro ng ahensya ang mga riders bilang mga ‘Self-Employed’ upang makatanggap ng mga benepisyo katulad ng mga karaniwang empleyado ng kompanya.
Sa kasalukuyan ang mga ‘rider’ ay itinuturing bilang mga ‘free lancer’ at hindi kawani ng mga courier companies.
Ayon kay MPF President Atoy Sta.Cruz, 20% porsyento sa kita ng mga riders tuwing may ‘booking’ ang napupunta courier services app kaya’t mas marapat na akuin din ng kompanya ang pagbabayad sa SSS contribution bilang mga kawani.
“Dapat empleyado mo ako, ang problema deduct kalang ng deduct ng 20% pero ang lahat ng problema nasa sakin as motorcycle riders, nag-submit na ako ng position paper sa congress, pero di ko alam kung anong nangyari kung pinakinggan nila, So ang ni-recommend ko sa kanila before noong wala pang committee hearing tungkol diyan pero para sakin yung mga nag seset-up ng apps na yan yan, dapat mayroong responsibilidad sa rider na ginagamit nila, kasi kinukuhaan nila ng 20% yan e kada delivery,” ayon pa kay Sta.Cruz.
Apela rin ni Sta.Cruz ang pagkilala ng mga kompanya sa kanilang mga motorcycle riders bilang opisyal na empleyado ng application companies na kumikita mula sa serbisyong ginagampanan ng mga riders na una na rin niyang isinulong sa kongreso.
Tinatayang may 24 na delivery application company sa bansa na tinangkilik ng publiko lalu na sa panahon ng pandemya.