243 total views
Umaasa ang Diocese of Balanga, Bataan na matatapos ngayong taon ang itinatayong Diocesan Shrine of Saint John Paul 2nd na sinimulan noong taong 2015.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, nasa 80-porsyento na ang natatapos sa Pang Diyosesis na Dambana na inilaan para sa Santo na dalawang beses na bumisita sa bansa noong 1981 at 1995.
Pagbabahagi ng Obispo, nasa pangangalaga na ng diyosesis ang first class relic ni Saint Pope John Paul the 2nd na ipinagkaloob mismo ng Archdiocese of Krakow, Poland sa pamamagitan ni Archbishop Stanislaw Cardinal Dziwisz.
“With God’s graces we are praying and hoping that our Diocesan Shrine of Saint John Paul II will be finished by the end of this year. We are 80% completed. We have here a first class relic of Saint Pope John Paul II specifically given to us by the Archdiocese of Krakow thru HE Stanislaw Cardinal Dziwisz.” pahayag ni Bishop Santos.
Isinagawa ang groundbreaking rites ng Diocesan Shrine of Saint John Paul 2nd noong March 17, 2015 kasabay ng ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag sa Diocese of Balanga.
Bukod sa pagsisilbing panibagong lugar dalanginan ay layunin rin ng Diocesan Shrine ni Saint John Paul 2nd na maging daan para sa religious formation at cultural renewal ng mga mananampalataya at debotong bibisita sa lugar.
Ang panibagong pang-diyosesis na dambana ay matatagpuan sa Barangay Culis, Hermosa, Bataan na magsisilbi ring pangalawang dambana sa diyosesis na inilaan kay Saint Pope John Paul the 2nd.
May 2011 ng pinasinayaan ng diyosesis ang Morong Shrine o ang Blessed John Paul II Memorial Shrine sa dating Philippine Refugee Processing Center (PRPC) na isa sa mga lugar na binisita ni Pope John Paul the 2nd sa kanyang unang pagbisita sa Pilipinas noong 1981.