2,231 total views
Tiniyak ng Diocese of Balanga na gampanan ang tungkuling kaakibat na tinanggap sa pagtalaga ng National Shrine of St. John Paul II.
Batid ni Bishop Ruperto Santos na bagamat karangalan ang pagkakaroon ng pambansang dambana sa kanyang nasasakupan ay isa rin itong malaking responsibilidad para sa misyon ng simbahan at sa mananampalataya.
Sinabi ng obispo na pagpapala ng Panginoon ang pagkatalagang national shrine ng dambana at buong kababaang loob itong inialay ng diyosesis sa inang simbahan.
pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng obispo na tulad ng pagbisita ni noo’y santo papa St. John Paul II sa boat people na biktima ng indo-china war sa Vietnam, Laos at Cambodia ay mananatiling bukas ang diyosesis sa pagtulong sa pangangailangan ng kapwa lalo na sa mga refugee at migranteng naghahanap ng kanlungan.
Tinuran ni Bishop Santos na ang national shrine na nakatalaga sa pangalan ng santo ay isang insipirasyon upang palalimin ang mga gawaing makatutulong sa paglalakbay ng mga nasasakupan tungo sa landas ng kabanalan gaya ng kanilang patron.
Unang araw ng Abril nang pormal na italaga ang parokya sa bilang ika – 28 national shrine ng Pilipinas kung saan pinangunahan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang misa at rito ng pagtalaga.
Sa pagninilay ni Bishop David pinaalalahanan ang mananampalataya sa kagalakan ni St. John Paul II na tumugon sa panawagang kalingain ang mga refugee gayong walang bansang nais tumanggap at kakanlong nito.
Iginiit ng pangulo ng kalipunan ng mga obispo sa Pilipinas na hindi makatao at makakristiyano ang pagpapabaya sa pangangailangan ng kapwa maging ng mga dayuhan tulad ng ginawa ng Bataan noong dekada otsenta.
“Ang pagdalaw ni St. John Paul II ay pagpapahayag niya sa taga Bataan ng kanyang pasasalamat sa inyo nais niyang ipaalam sa inyo na ipinagmamalaki niya kayo na ikinatutuwa niya ang inyong makatao at makakristiyanong pagtugon sa pangangailangan ng inyong kapwa kahit sila ay mga dayuhan kahit iba ang kanilang lahi, salita o kultura.” ani Bishop David.
Hamon ni Bishop David sa mananampalataya na magbuklod bilang simbahan at makiisa sa misyon ni Hesus upang higit na tumibay ang ugnayan sa Panginoon at maiwasang mawasak dahil sa mga hamong kinakaharap tulad ng ginagawang komersyo ang relihiyon at pagkalakal sa pananampalataya.
“Ang tunay na templo ay hindi ang gusali kundi ang katawan ni Kristo at tayong lahat ay tinawag na makilakbay sa landas ni Kristo bilang isang simbahang sinodal, tayong nagkakatipon sa ngalan ni Kristo ay ang templo.” giit ni Bishop David.
Matandaang sa ginanap na ika – 125 plenary assembly ng CBCP nitong Enero ay nagkasundo ang mga obispo na hiranging national shrine ang simbahang nakatalaga sa dating santo papa.
Kasalukuyang pinamunuan bilang rector at kura paroko ng pambansang dambana ni Fr. Anthony Sibug.
Dumalo sa pagdiriwang si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula, Bishop Ruperto Santos, Bishop Jose Corazon Tala-oc, Bishop Leopoldo Jaucian, Bishop Enrique Macaraeg, Bishop Nolly Buco at Bishop Victor Bendico.