167 total views
Umaapela ng tulong ang parokya ng St. Michael the Archangel sa Orion Bataan para sa mga biktima ng sunog na naganap sa Depensa Capunitan, Orion Bataan.
Ayon kay Jobert Sabino, Parish Coordinator ng parokya, malawak ang pinsala ng sunog sa lugar at karamihan sa mga residente ay walang naisalbang mga gamit.
Batay sa inisyal na ulat, mahigit sa 600 pamilya ang nasunugan o katumbas sa mahigit 2,000 indibidwal ang apektado sa trahedya sa baybaying dagat ng Orion.
Ibinahagi ni Sabino na nagpaabot ng paunang tulong ang parokya sa pamamahagi ng pagkain sa mga apektadong mamamayan.
Sa kasalukuyan, kontrolado na ng Bureau of Fire Protection ang sunog sa lugar subalit patuloy pa rin ang clearing operations dahil sa makakapal na usok.
Dahil dito, nanawagan si Sabino sa mamamayan na tulungan ang mga nasunugan upang maibsan ang paghihirap na idinudulot ng malawakang sunog.
“Nananawagan po kami dito sa Depensa, Capunitan Orion Bataan dahil po ay napakaraming parishioners natin ang nasunugan, may mga kasama din tayong naglilingkod sa Simbahanat active din po na naging biktima ng sunog. Kung mayroon po kayong maipapadala tulong, canned goods, or cash relief, damit o kahit anong bagay na makatutulong sa mga biktima,” pahayag ni Sabino sa Radio Veritas.
Kumikilos na rin ang Simbahan ng Orion para matulungan ang mamamayan na makababangon sa trahedyang dinanas ngayong araw na ito.
“Nag-iisip po kami paano matutulungan ang mga nasunugan in the long run,” dagdag ni Sabino. Una nang tiniyak ng Simbahang Katolika ang pagtulong sa mga mamamayang maapektuhan ng kahit anong uri ng kalamidad sa lipunan sa pangunguna ng mga social action centers ng bawat parokya at ng Caritas Manila, ang social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila.