257 total views
Nangangamba si Atty. Antonio La Viña, dating Dean ng Ateneo School of Good Governance at isa sa mga Convenors ng MANLABAN sa EJK Coalition sa paglaganap pa ng karahasan sa lipunan dulot ng State of Impunity sa bansa.
Ayon kay Atty. La Viña, kapansin-pansin ang pag-iral ng State of Impunity sa nagaganap na karahasan sa lipunan na nagsimula sa mga mahihirap na walang kalaban-laban at kaalaman sa kanilang mga karapatan sa ilalim ng Batas.
Ikinabahala ni Atty. La Viña ang maaring pagkalat pa ng karahasan maging sa iba pang sektor ng lipunan tulad na lamang ng sunod-sunod na pagpaslang sa mga lingkod ng Simbahan.
“Yung state of impunity as a base of killings diba, alam na natin ito, alam ko na ito na mangyayari, first you start with the poor yung mga mahihirap, sa mga mahihirap na kumunidad hindi makakaangal but eventually talagang it will spread out throughout society…” pahayag ni La Viña sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, muling iginiit ni Atty. La Viña na hindi dapat na ipagsawalang bahala ng mamamayan ang patuloy na mga kaso ng karahasan salungat sa pahayag ng Philippine National Police na hindi dapat maalarma ang Publiko sa mga nagaganap sa kasalukuyan.
Ipinaliwanag ni Atty. La Viña na naaangkop lamang na magdulot na ng pangamba sa mamamayan ang maituturing na pag-iral ng ‘acute state of impunity’ sa bansa.
Binigyan diin nito na wala pa ring katarungan sa mga kaso ng pagpaslang hindi lamang sa 3 pari na nasawi sa loob ng 6 na buwan kundi maging ang pagkamatay ng may higit 20,000 mahihirap na itinuturong sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot at ilang mga kaso ng karahasan laban sa ilang mga abogado at hukom sa loob lamang ng nakaraang dalawang taon.
“May acute state of impunity, hindi ito normal dapat cause for alarm ito in opposite doon hindi ito something na hindi na nating papansinin kasi hindi naman araw-araw yun ang sabi ni PNP Chief, but 3 priest in 6 months, more than 20,000 poor people in 2 years, quite a number din ng mga lawyers, ng mga abogado ang namatay in this past 2 years, ano yan very very different from the usual…” Dagdag pa ni Atty. Antonio La Viña.
Sa pagtataya ng mga human rights group nananatili sa 3 hanggang 5-indibidwal parin ang napapatay kada araw kung saan karamihan sa mga ito ay hindi pa napapatunayan ang kaugnayan sa iba’t ibang mga kasong ibinibintang.
Samantala, mula naman noong Disyembre ng nakalipas na taon ay 3 Pari na ang pinaslang ng mga hindi pa rin nakikilalang salarin.
Nauna ng nagpahayag ng pangamba ang Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay ng pag-iral ng Vigilantism sa bansa at nanawagan sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng Batas at Katarungang Panglipunan.