225 total views
Message of Archbishop Socrates B Villegas
February 18, 2017
430am
Salamat sa Council of the Laity ng Pilipinas na siyang nanawagan para sa Walk for Life. Kaming mga pari at obispo ay kasama ninyong laykong lingkod sa bawat hakbang. Hindi kami mauuna baka hindi kayo makasunod. Hindi kami maglalakad sa likod baka maiwanan ninyo kami. Maglalakad kaming ng mga obispo at pari katabi ninyo, Kaagapay, Kaibigan, Kasama sa paglalakad. Sa Luneta pantay pantay tayo. Sabay sabay.
Narito tayo para sa Walk for Life alang alang sa mga hindi na makalakad dahil sa kasalanan natin sa kanila.
Hindi sila makalakad dahil pinatay at tayo ay natakot makisangkot. Hindi sila makalakad dahil natatakot na baka
sila ang isunod na barilin. Hindi makalakad dahil lulong sa droga. Hindi makalakad na pinatay ng mga addict nabulagan ng isip. Hindi makalakad dahil sa ating mga kasalanan dahil sa buhay.
Ang Walk for Life ay para sa kanila. Lalakad tayo at tatayo para sa kanila.
Ang Walk for Life ay hindi para ipagtanggol ang drug addict o ang mga mamamatay tao. Ang kriminal ay dapat arestuhin, kasuhan, hatulan at ikulong upang iwasto ang pagkakamali. Dapat patunayan ang pagkakasala sa korte ng batas hindi sa batas ng bala.
Ang Walk for Life ay hindi protesta kundi paninindigan para sa kabanalan ng buhay ng bawat tao na galing sa Diyos.
Ang Walk for Life ay Walk for God.
Bakit madaling araw? Sapagkat sa mga oras na ito natin natutuklasan ang bangkay sa bangketa o malapit sa basurahan. Ang madaling araw na sana ay oras ng bagong simula ay nagiging oras ng luha at takot dahil sa mga pinatay sa magdamag.
Sa mga ganitong oras noong Disyembre 30, 1896 nagsimula maglakad si Dr Jose Rizal simula Fort Santiago patungong Luneta para bitayin ng firing squad. Ang parusang bitay ay saliwa sa kabanalan ng buhay ng tao. Sa halip na
bitay, linisin natin ang kapulisan, ayusin ang husgado at higpitan palakad sa bilangguan. No to death penalty. Yes to the reform of the criminal justice. Nananawgan po kami sa Congress na hayaang bumoto ang Kongresista ayon sa konsensiya. Ang partido politika ay pansamantala. Ang konsensiya ang tinig ng Diyos na nakatanim sa ating kalooban. Igalang ang konsensiya.
Marami pa pong kasalanan sa buhay na dapat natin labanan. ABCDE…
*A*bortion ay kasalanan sa buhay ng sanggol. Ang sanggol ay taong anak
natin. Ang mahinang sanggol ay biyaya ng Diyos. Ang bawat sanggol
ipagtanggol! Kapag hindi natin nilabanan ang aborsyon, aabot tayo sa
pagpatay sa mga yagit ng lipunan. Ang taong yagit sa tingin ng iba ay taong
iniligtas at mahal ng Diyos. Mahal ng Diyos ang mga mahihina at mistulang
yagit. Kapatid natin sila.
*B*lasphemy ay paglapastangan sa ngalan ng Diyos. Kung ang Diyos ay hindi
na ginagalang susunod na hindi igagalang ang mga nilikha ng Diyos. Ang
lahat ng kasalanan sa Diyos ay nagsisimula sa blasphemy o pagyurak sa
karangalan ng Diyos. Kapag lapastangan sa Diyos, sigurado lapastangan din
sa Inang Kalikasan, lapastangan sa magulang, lapastangan sa kapwa,
lapastangan sa buhay.
*C*orruption ay nakakamatay ng tao. Ang corruption ay pagnanakaw lalo na sa
mga mahihirap. Perang dapat ipampagamot, perang pambili ng bigas, perang
pamasahe sa bus, perang pantapal sa bubong na tumutulo, kinukupit ng
mandarambong! Ang luha ng mahihirap na pinagnanakawan ng corrupt ay alam ng
Diyos. Hindi kayo pwedeng magnakaw habampanahon. Alam ng Diyos ang lahat.
*D*roga ay laban sa buhay. Pinapatay ng droga ang taong gumagamit pati na
ang mga inosenteng biktima nila. Rape dahil sa droga. Nakaw dahil sa droga.
Patayan dahil sa droga. Marami ng buhay na winasak ang droga. Ang Walk for
Life ay kontra droga. Ang Walk for Life ay hindi pagtatanggol sa drug
addict at drug pusher. Masama ang droga. Nakakamatay ang droga.
*E*xecution ay pagpatay. Dating tawag ay bitay, naging salvaging, naging
summary execution, naging EJK. Ang pagpatay, ito naman ay gawin ng kriminal
o kaya ay ipataw ng gobyerno bilang death penalty, pagpatay pa rin yan. We
cannot teach that killing is wrong by killing those who kill. It also
increases the number of killers.
Malapit ng sumikat ang araw. May pag asa tayo. Huwag matakot sa dilim. Huwag mamuhay sa takot. Kumakalat ang takot at pananakot. Tinatakot tayong papatayin. Tinatakot tayo at nagpapatakot tayo. Walang mananakot kung hindi tayo magpapatakot.
Harapin natin ang nananakot at ipakita natin ang ating lakas ng loob. Humarap tayo sa nagbabanta at ipakita na kasama natin ang Diyos na ating lakas. Hindi nila tayo maaaring takutin dahil mas malakas ang tiwala natin sa Diyos.
Bayang may tiwala sa Diyos. Huwag matakot. Lakad na para sa BUHAY! Walk for Life!