423 total views
Mananatili sa kanilang mga gawain at posisyon ang mga pari at layko na nangangasiwa sa iba’t ibang tanggapan sa Arkidiyosesis ng Maynila. Ito ang kauna-unahang kautusan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, ilang linggo makaraang mailuklok bilang pinuno ng arkidiyosis noong June 24.
Ayon sa kautusan, layunin nito na maipagpatuloy ang paglilingkod ng simbahan ng Maynila sa mga mananampalataya.
“I hereby decree that all clergy, religious men and women, lay faithful who have an official appointment to the parishes, offices, commissions, ministries in the Archdiocese of Manila shall continue functioning according to the faculties, rights and privileges that are inherent to their office,” ayon sa liham ni Cardinal Advincula sa kautusan.
Sa kasalukuyan, si Msgr. Jose Clemente Ignacio ang Vicar general and Moderator Curiae; Episcopal vicars for diocesan clergy Msgr. Jesus Noriel BAndojo; for lay personnel Fr. Sanny De Claro at chancery matters Fr. Reginald Malicdem. Si Cardinal Advincula ay ang ika-33 arsobispo ng Metropolitan Manila at humalili kay Cardinal Luis Antonio Tagle na nangangasiwa ng ilang mga tanggapan sa Roma.
Katuwang ni Cardinal Advincula sa Maynila ang higit sa 600 mga pari sa 86 na parokya upang pangasiwaan ang may tatlong milyong mananampalatayang katoliko.