15,185 total views
Tiniyak ng Stella Maris Philippines ang patuloy na paglilingkod sa mga manggagawa sa karagatan at kanilang mga pamilya.
Ayon kay National Coordinator Fr. John Mission na mahalagang kalingain ang hanay ng mga seafarers at iba pang manggagawa sa sektor alinsunod sa Stella Maris Moto Propio ni St. John Paul II.
“Our commitment will always be providing pastoral care and service in moral and spiritual support to the people of the sea, the seafarers, and their families left behind,” pahayag ni Fr. Mission sa Radio Veritas.
Kamakailan ay nagsagawa ng Migrant Fishers Leaders Assembly ang Stella Maris Philippines sa Cebu City na bahagi ng kanilang pakikipagtulungan sa International Labor Organization na ‘Ship to Shore Project’ na layong tugunan ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng sektor.
Kabilang na rito ang pagpapaliwanag sa kanilang mga karapatan upang labanan ang mga pang-aabuso sa kanilang hanay tulad ng human trafficking at iba pa.
“It is important for them to know their rights while they are working abroad but at the same time organizing the families giving them values formation, financial literacy program so ‘yun po ang mga contents ng PDO modules information package-based advocacies ng Stella Maris – ILO Ship to Shore Project,” ani Fr. Mission.
Pinasalamatan ng pari ang ILO sa tiwalang maging katuwang sa pagpatupad ng programa dahil na rin sa kakayahan ng Stella Maris lalo’t ito ay nakatuon sa ‘grassroots’ ng mga komunidad tulad ng mga parokya.
Bukod sa kalahating milyong seafarers na nagtatrabaho sa iba’t ibang kompanya tinututukan din ng grupo ang pangangalaga sa migrant fishers na ayon sa Department of Migrant Workers umaabot sa limang libong deployment kada taon na kadalasang nalalantad sa labor abuses.
Kasabay ng isinagawang pulong ang pagbuo ng Stella Maris Philippines Migrant Fishers Network na mangunguna sa paglunsad ng mga programang mapakikinabangan ng mga mangingisda at kanilang mga pamilya.
Patuloy din ang paglilibot nina Fr. Mission kasama sina CBCP Bishop Promoter of Stella Maris, Antipolo Bishop Ruperto Santos at Orly Badilla, national lay coordinator ng grupo sa mga diyosesis sa bansa upang hikayatin ang mga obispo na magtatag ng Stella Maris ministries para sa mga seafarers, mangingisda, port workers at personnel gayundin ang mga nautical students at pamilya ng mga seafarers.
Una nang hiniling ni Bishop Santos sa pamahalaan na maging liwanag at bigyang pansin ang kapakanan ng mga seafarers at iba pang manggagawa sa karagatan.