56,774 total views
Matapos ang paggunita at pagdiriwang ng ika-400 taon ng Kristiyanismo sa Palawan, pinaigting naman ng bikaryato ng Taytay at Puerto Princesa ang pagiging mabuting katiwala sa mga biyayang handog ng Panginoon.
Simula Agosto ng 2022 hanggang 2023 ng ipagdiwang ng Vicariate of Puerto Princesa ang year-long celebration ng apat na dekada ng pananampalataya sa lalawigan sa temang Demdemen, Icelebra, Ipadayon.
“Nagkaisa ang dalawang bikaryato na ipagpapatuloy ‘yan sa pagpapalakas at pagpapalaganap ng stewardship-ng pagiging mabuting katiwala. Ang stewardship is a disciples’ response. ‘Yan yung response namin bilang disipulo ni Kristo, alagad ni Kristo bilang na kami’y maging mabuting katiwala,” ayon kay Bishop Pabillo.
Sa panayam sa programang Pastoral visit on-the-air ng Radyo Veritas 846, sinabi ng Obispo na palalaganapin ng simbahan ng Palawan ang katesismo sa mananampalaya upang maging ganap na katiwala ng Panginoon at manaig ang pagkakakilanlan ng tao bilang kawangis ng Diyos.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, ito ay sa pamamagitan ng pagkilala ng biyayang kaloob ng Diyos- ang buhay, panahon, kalikasan, galing, pananampalataya at paglilingkod.
“Be aware of our identity, maging mabuting katiwala tayo. Una kapag alam natin ang ipinagkatiwala sa atin, kaya we should be aware of the gifts of God na ibinigay sa atin. Awareness and gratitude of the gifts of God. At ano ba ang katiwala sa atin ng ano? Katiwala tayo ng lahat kasi hindi naman tayo ang may-ari ng lahat. Ngunit tayo ang namamahala, tayo ang nagsasabuhay at pinapangalagaan natin,” paliwanag ni Bishop Pabillo.
Sa pamamagitan ng pagkilala ay mas mauunawaan ng mananampalataya ayon sa obispo ang kahalagahan ng pagbabalik handog sa Diyos bilang pasasalamat.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo, “Tulad ng katiwala tayo ng buhay, ang buhay natin hindi atin. Ang buhay ng mga kamag-anak natin, ang buhay ng tao ay hindi atin-kaya dapat nating pahalagahan ang buhay at pangalagaan ang buhay.”
Binigyan linaw naman ng obispo na ang pagbabalik handog ay hindi lamang sa paraan ng pagbibigay ng donasyon, kundi ang pagpapahalaga sa buhay ng kapwa tao, hindi pagsasayang ng panahon, pangangalaga sa kalikasan at ang pagkakatoan sa paglilingkod.