1,975 total views
Ikinagalak ng opisyal ng Archdiocese of Manila ang pormal na paglulunsad sa Ministry on Cooperatives and Social Enterprise Development (MCSED).
Ayon kay UCC Chairman at MCSED Minister Fr. Anton CT. Pascual, layunin ng bagong ministri na pagbuklurin at palakasin ang kooperatiba ng simbahan upang higit na matulungan ang mga maralita.
“Binuo natin ang MCSED upang palakasin ang ating stewardship program. ‘Yung pamamahala sa yaman ng simbahan na pinagkaloob ng Panginoon upang makatulong tayong lumikha ng yaman sa pamayanan sa kapakanan ng mahihirap at ng ating mga kababayang nangangailangan ng tulong,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Pascual na siya ring executive director ng Caritas Manila, ang MCSED ay ipapalaganap hindi lamang sa Archdiocese of Manila kun’di maging sa mga diyosesis na saklaw ng Ecclesiastical Province of Manila.
Ito ay ang mga Diyosesis ng Novaliches, Cubao, Kalookan, Pasig, Parañaque, Malolos, Imus, Antipolo, at San Pablo; gayundin ang Apostolic Vicariates ng Puerto Princesa at Taytay sa Palawan.
“Sabi nga ni Cardinal Jose Advincula, ito’y ipapalaganap natin sa Ecclesiastical Province of Manila in the near future,” ayon kay Fr. Pascual.
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang paglulunsad at pagbabasbas sa logo ng MCSED kasama si Fr. Pascual at ilang mga pari at kinatawan mula sa mga diyosesis na saklaw ng Ecclesiastical Province of Manila, na pawang miyembro ng mga kooperatiba.
Tagubilin ni Cardinal Advincula sa bawat isa na ang kooperatiba ng simbahan nawa’y hikayatin ang bawat isa hindi lamang sa pag-iipon at pamumuhunan ng salapi, kun’di mas lalo ring mapaigting ang pananampalataya kay Kristo.
“Si Hesus lamang ang bukal ng buhay at pag-asa… Si Hesus lamang ang kapital natin, ang tanging yaman natin. Let us invest all our resources to Him. Let us go with enterprise of witnessing to the Kingdom of God,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ginanap ang paglulunsad sa MCSED kasabay ng 17th Union of Catholic Church-based Cooperatives (UCC) General Assembly nitong Abril 29, 2023 sa Lay Formation Center, San Carlos Seminary, Makati City.
Tema ng pagtitipon ang Creating Wealth in the Parish Community: The Cooperative Way.