20,716 total views
Stewardship Simbang Gabi: Ano ba ang katiwala?
Sunday
December 17, 2023
Katiwala nga tayo ng Diyos. Ito ang misyon natin bilang tao. Ano nga ba o sino nga ba ang katiwala? Ang katiwala ay hindi ang may-ari. Hindi kanya ang ginagamit niya. Pero kahit na hindi siya ang may-ari, siya ang namamahala, siya ang gumagamit. Dahil dito madali niyang kalimutan na hindi pala siya ang may-ari kasi siya ang gumagamit at nagdedesisyon tungkol sa ipinagkatiwala sa kanya. Hindi kanya ang bahay, pero siya ang namamahala at nangangalaga nito. Minsan siya pa nga ang nakatira doon. Kaya madaling makalimutan na hindi pala kanya ang bahay.
Dahil sa hindi kanya, tinatanong niya at inaalam niya kung ano ang gusto ng may-ari. Tinatanong niya sa may-ari kung gusto ba niyang papinturahan ang bahay. Hindi lang siya basta-bastang nagdedesisyon. Dahil dito kailangan na may contact siya sa may-ari. Paano niya malalaman ang gusto ng may-ari kung hindi naman siya nakikipag-usap sa may-ari?
Dahil sa siya ay katiwala lamang, mananagot siya sa may-ari sa mga ipinagkatiwala sa kanya. Hindi dapat masira at masayang o mamatay ang ipinagkatiwala sa kanya. Hindi dapat mawala ang cellphone na pinahiram sa kanya. Hindi dapat mamatay ang kalabaw na pinangangalagaan niya. Hindi dapat mabutas ang bangka na pinagagamit sa kanya. Dahil siya ang nakikinabang sa ipinagkatiwala sa kanya, dapat nagbibigay siya ng bahagi ng may-ari. Kung ako ang nangangalaga sa lupa, may bahagi din ang may-ari sa ani ko. Dahil ipinagkatiwala sa akin ang inahin, may bahagi ang may ari sa mga anak nito.
Tayo ay katiwala ng Diyos ng mga nilikha niya. Hindi atin ang mundo. Katiwala tayo. Inaalam natin sa Diyos paano ba gagamitin at aalagaan ang lupa, ang karagatan, kagubatan, ang biodiversity na nasa mundo. Isinasaalang-alang ba natin ang Maylikha sa paninirahan natin sa mundong ito? Ano ba ang gusto niya?
Gusto niya na igalang natin at pangalagaan natin ang sangnilikha, na hindi natin ito abusuhin. Gusto ng Diyos na Maylikha na ang lahat ng tao ay makinabang sa yaman ng mundo at hindi lang ang mga may kaya, ang mga may pera at may teknolohiya. God created the world for all for the benefit of all. Ito ay tinatawag natin na universal destination of the goods of the earth.
Parang hindi yata ito nangyayari ngayon. May ilang mga bansa lang at maliit na porsiyento lang ng mga tao ang nakikinabang sa kayamanan ng mundo. Ang karamihan ay napapabayaan at mahihirap. Hindi pantay ang pag-distribute sa yaman na galing sa mundo. Kung marami ang mahihirap, hindi ito dahil sa kulang ang yaman ng mundo para sa lahat. May sapat na yaman sa mundo pero hindi maayos ang pag-distribute ng yamang ito.
Hindi rin natin masasabi na ang mga mahihirap ay tamad kaya sila ay mahirap. Mas masipag pa nga ang maraming mahihirap kaysa mga maykaya. May mga pamamalakad sa mundo, mga hindi makatarungang pamamalakad na nagpapahirap sa maraming tao, isa na diyan ay ang corruption at hindi makatarungang business practices tulad ng panggipit sa mga manggagawa. Nandiyan na rin ang paggamit ng police at military upang supilin ang mga maliliit na mga tao.
Pero makatarungan ang Diyos. Mananagot tayong lahat sa kanya. Napapakita ang katarungang ito sa paghihiganti ng kalikasan. Kaya nandiyan ang mga baha, ang El Nino, ang global warming. May kasabihan na ang Diyos ay palaging nagpapatawad, ang tao ay minsan-minsan nagpapatawad, pero ang kalikasan ay hindi nagpapatawad. Bumabawi siya.
Dahil sa ginagamit natin ang mundo na ipinagkatiwala sa atin, sana nagbibigay din tayo ng bahagi ng May-ari. Ito ay ang balik-handog. Sa mga bigay ng Diyos may ibinabalik tayo sa kanya, kung tayo ay mabubuting katiwala. Kaya magbalik-handog tayo. Bahagi ito ng ating pagiging mabuting katiwala.