301 total views
Mga Kapanalig, “Stop Asian Hate.” Ito ang panawagan ngayon sa Estados Unidos sa gitna ng sunud-sunod na krimeng target ang mga Asian-American. Maraming naniniwalang ang mga hate crimes na ito ay kaugnay ng anti-immigrant na paniniwala at patakaran ni dating Pangulong Donald Trump. Dagdag pa riyan ay ang pagtawag niya sa COVID-19 bilang “China plague.”
Ano nga ba ang hate crimes? Ayon sa Federal Bureau of Investigation (o FBI) ng Amerika, ang hate crimes ay mga krimeng bunga ng bias laban sa race (o lahi), relihiyon, kapansanan, sekswal na oryentasyon, etnisidad, o kasarian ng biktima. Sa loob ng isang taon, nakapagtala na ng higit 3,800 hateful acts o pagkamuhing madalas pa nga ay marahas laban sa mga Asians sa Amerika. Kasama na riyan ang pagpatay sa walong tao sa isang spa sa Georgia noong ika-16 ng Marso, kung saan anim sa kanila ay babaeng Asyano. Ayon sa STOP AAPI Hate, isang organisasayong binubuo ng mga Asian Americans at Pacific Islanders, mayroong higit 3,000 hate crimes na ang naitala laban sa mga Asians mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2021, at 500 sa mga ito ay nangyari lamang nitong Enero at Pebrero. Ngayong buwan din, napatay ang isang 74-anyos nating kababayan habang siya ay naglalakad sa isang pag-atake sa Arizona na hinihinalang hate crime din.
Ngunit ang mas lubhang nakababahala ay ang resulta ng survey na isinagawa ng Center for the Study of Hate and Extemism sa California State University kung saan lumabas na bagamat bumaba ang bilang mga hate crimes ng 7% sa 16 na siyudad sa Amerika noong 2020, kabilang ang siyudad ng New York at Los Angeles, tumaas naman ng 150% ang mga krimeng target ang mga Asians.
Ayon sa mga datos, sa mahabang panahon ay mga white o puti ang karaniwang gumagawa ng mga hate crimes na ito, ngunit ang datos mula sa siyudad ng New York ay nagpapakitang ang mga pag-atake sa Asians sa ngayon ay karaniwang ginagawa ng mga people of color. Sa isang insidente, isa sa pitong Latinong naaresto sa pag-atake sa mga Asians noong nakaraang taon ang nanakit sa isang lalaking ipinanganak sa Hong Kong. Sa isa pang hiwalay na insidente ay naaresto naman ang mga African Americans, kabilang ang isang teenager, na hinampas ng payong ang isang 51 taong gulang na babaeng Asian kasabay ng pagsasabing siya raw ang nagdala ng COVID-19 sa Amerika.
Maaaring hindi matingkad ang isyung ito dito sa ating bansa, ngunit huwag nating kalilimutang marami sa ating kapwa Pilipino, ilan sa kanila ay ating kapamilya, ang naninirahan na sa Amerika sa pangarap ng mas magandang buhay. At sa gitna ng pandemya, ito ba ang pakikipagkapwa-taong gusto nating ipakita sa isa’t isa?
Sabi nga ni Pope St. John XXIII sa kaniyang encyclical na Pacem in Terris, bawat isa sa atin ay may karapatang lumipat ng tahanan o freedom of movement, maging ang paglipat na ito ay sa loob o labas ng kaniyang bansa. Kinakailangang hayaan nating lumipat ng tirahan ang isang tao kung ito ang sa tingin niya ay mas makakabuti para sa kanya.[7] Tayo ay bahagi ng iisang mundo, anuman ang ating pagkamamamayan o lahing kinabibilangan.
Ngunit higit sa karapatang lumipat ng bansa, ipinapaalala sa atin sa Levitico 19:32-33 na tayo’y magkakapatid, at kinakailangang mahalin natin ang isa’t isa. Sinabi sa atin ng Diyos, “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang kasama ninyo. Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid.”
Mga Kapanalig, katulad ng mga dayuhan sa Ehipto sa Lumang Tipan, ang mga Asyanong lumipat sa Amerika ay nag-aasam din ng isang buhay na mas mabuti. Huwag sana itong ipagkait sa kanila.