1,176 total views
Muling nanindigan ang Diyosesis ng Balanga laban sa binabalak na pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant na proyekto pa noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Sa Pastoral Letter ni Bishop Ruperto Santos, inihayag nito ang pagsuporta sa mga pari, lokal na opisyal, at mga mananampalataya ng Bataan upang tutulan ang pagpapatuloy sa proyektong napatunayan nang magastos at mapanganib sa kalikasan at mga tao.
“There are serious factors associated with nuclear energy, such as risks and cost. While nuclear power is cheap to operate and produces inexpensive fuel. The cost to build and maintain the facility are exorbitant. It will cost billions of dollars,” pahayag ni Bishop Santos.
Ayon sa Obispo, Abril 2018 nang magsagawa ng pagsusuri ang State Atomic Energy Corporation ng Russia o Rosatom hinggil sa BNPP kung saan inihayag ni Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev na ang pagbuhay sa planta ay hindi na dapat pahintulutan dahil pinaglipasan na rin ito ng panahon.
Sinabi ni Bishop Santos na kailangang higit na maunawaan ng mamamayan na ang proyekto sa halip na makatulong na mapababa ang singil sa kuryente ay lalo lamang makadaragdag sa mga bayarin ng taumbayan.
“What most people do not realize is, they think they will save a lot of money from their electric bill. However, the cost of construction and maintenance will be an added burden to our already deep national debt, which will be paid for by our very own citizens for generations to come,” saad ng Obispo.
Iminungkahi naman ng Obispo sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na paigtingin na lamang ang pagsusulong para sa mas ligtas, malinis, at abot-kayang renewable energy resources tulad ng Wind, Water (hydro), at Solar energy.
Iginiit din ni Bishop Santos na kailanma’y hindi magbabago ang paninindigan ng diyosesis laban sa BNPP at patuloy na itataguyod ang kahalagahan ng buhay, gayundin ang pagtugon sa panawagang pangalagaan at panatilihin ang lahat ng mga nilikha ng Diyos.
“The Diocese of Balanga has spoken and will stand firm again. We acted then and will continue to act today. We are against it. Stop it. Enough. We do not agree. We are against any ideas or plans for the rehabilitation of the Bataan Nuclear Power Plant,” giit ni Bishop Santos.
Taong 1984, panahon ng diktaturyang administrasyon ng nakatatandang Marcos nang matapos ang pagbuo sa P2.3-bilyong nuclear power plant.
Batay sa pagsusuri ng Department of Energy (DOE), National Power Corporation (NAPOCOR) at Korean Electric Power Company (KEPCO) na aabot sa isang bilyong dolyar ang magagastos ng pamahalaan sa loob ng apat na taon para sa muling pagbuhay sa 631-megawatt BNPP.