190 total views
Dapat ihinto ng pamahalaan ang pagpapataw ng buwis sa mga produktong langis.
Ito ang inihayag ni Rosario Bella Guzman, Director ng IBON Foundation kaugnay sa muling pagtaas ng inflation rate sa bansa na naitala sa 5.7% nitong buwan ng Hulyo base sa datos Philippine Statistics Authority.
Ayon kay Guzman, tumataas ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado na pang tumataas sa Pilipinas dahil sa ipinapataw na buwis, excise at value added tax.
Binigyan diin ni Guzman na ang ipinatupad ng pamahalaan na reporma sa pagbubuwis o ang Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law ay nagdudulot ng pagtaas sa presyo ng mga bilihin na lalong nagpapabigat sa pasanin ng mamamayan.
“Ang masasabi lang namin sa tuloy-tuloy na pagtaas for the last 7 months na pagtaas ng presyo ng bilihin is mostly TRAIN [Law] triggered, ito ay itinulak talaga ng pagbubuwis ng mga petroleum products, sa iba pang mga produkto and commodities. The government should inhibit o should stop dun sa pagbubuwis sa petroleum products excise and value addd tax.” pahayag ni Guzman sa Radio Veritas.
Sa pag-aaral ng IBON Foundation, sa tinatayang 30 porsiyentong pinakamahirap sa bansa mas mataas pa sa 5.7 porsiyento ang inflation na kanilang nararanasan dahil mas higit na tumaas ang presyo ng mga pagkain.
Anila, tinatayang nasa 60 milyong mahihirap na Filipino ang mababawasan ng kanilang kita dulot sa pagtaas ng inflation rate.
Halimbawa ang mga kumikita ng mahigit sa 7-libong piso kada buwan ay nababawasan ng 993-piso at ang kumikita ng 21-libong piso ay nababawasan naman ng mahigit sa 2 libong piso.
Ipinaliwanag ni Guzman na labis ang epekto nito sa mga mahihirap sa bansa dahil ang spending pattern sa nasabing sektor ay 60 porsiyento ng kanilang gastusin ay sa pagkain.
Dahil dito umapela ang iba’t ibang grupo kabilang na ang Simbahang Katolika sa pamahalaan na suriin at ihinto ang pagpapatupad ng TRAIN Law dahil lalo itong nagpapahirap sa mamamayan lalo na sa mga walang sapat na pinagkakakitaan at kabuhayan.