154 total views
Napapanahon ng ipakita at maipamalas sa pamahalaan ang puwersa at pagkakaisa ng mamamayan laban sa paglaganap ng karahasan sa bansa lalo na sa Negros islands.
Ito ang panawagan at paanyaya sa taumbayan ni Dr. Marita Wasan – Pangulo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas sa nakatakdang paggunita ng National Day of Mourning sa ika-20 ng Agosto.
Sa nasabing araw, muling magkakaisa ang mga mananampalataya mula sa iba’t-ibang denominasyon upang itaguyod ang katotohanan, katarungan at kapayapaan sa bansa.
Ayon kay Wasan, mahalagang maipaabot sa mga otoridad at sa mga lider ng pamahalaan partikular na kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga hinaing at pangangailangan ng pagkalinga ng mamamayan ng Negros kung saan napakarami na ang namatay.
May titulo ang pagtitipon na Araw ng Pagluluksa at Paglaban upang maipagluksa at maipanalangin ang kaluluwa ng mga nasawi sa karahasan sa bansa partikular na ang nasa 87-indibidwal na naitalang nasawi sa Negros island.
Panawagan din sa araw ng pagluluksa ang pagpahinto sa karahasan, pagpaslang at pag-atake sa mga mamamayan kabilang na sa mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon.
“Inaanyayahan ko po kayo, ipakita po natin ang ating pagkakaisa, ang ating pwersa para nang sa ganun ay makarating sa ating Pangulo, sa ating mga leaders na nangangailangan ito ng kanilang pagtingin at pagkalinga para sa mga taga-Negros na simula pa noong 2017 ay napakarami ng namamatay, marami ng nagbubuwis ng buhay”. panawagan ni Wasan sa panayam sa Radio Veritas
Isang solidarity mass din isasagawa sa Archdiocesan Shrine of the Blessed Sacrament o mas kilala bilang Sta. Cruz Church ganap na alas-dos ng hapon na pangungunahan ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez na siyang Chairman ng Ecumenical Bishops Forum na susundan ng mga programa at pagkilos sa Liwasang Bonifacio ganap na alas-tres ng hapon.
“Alam ko na ang ating pamahalaan ay may puso rin, ang ating mga kapulisan ay may damdamin din para sa ating mga kababayan, so ipakita po natin ang pwersa natin pumunta po tayo sa Sta. Cruz Church ikalawa ng hapon at tumuloy po tayo sa Liwasang Bonifacio na may kaunting programa para po sa ating lahat” pahayag ni Wasan.
Inaanyayahan ang mga dadalo sa pagkilos na magsuot ng itim na damit upang maipakita ang pakikibahagi sa pagdadalamhati at paninindigan laban sa nagaganap na karahasan, kaguluhan at kasinungalingan sa lipunan.