277 total views
Hinikayat ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga pari at relihiyoso ng Arkidiyosesis ng Maynila na ilaan sa pag-aayuno at pananalangin ang dalawang nalalabing Biyernes sa buwan ng Abril.
Ito ay ngayong araw ika-17 ng Abril at ang susunod na Biyernes ika-24 ng Abril.
Hiling din ng obispo sa mga pari na hikayatin ang mga mananampalataya na makiisa sa gawain na una na ring isinagawa bago ang lockdown bilang paggunita ng Kwaresma.
“Let us encourage our people to continue to storm heaven with fasting and prayer,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ang pag-aayuno at pagdarasal ay isang mahalagang gawain ng mga kristiyano bilang bahagi ng paglilinis ng sarili upang maging karapatdapat sa biyaya ng Panginoon.
Kalakip din ng pag-aayuno ang panawagan ng pagkakawanggawa lalu na sa higit na nangangailangan.
Sa mga nakalipas na araw naging abala ang mga simbahan upang mamamahagi ng tig-P1 libong gift certificates sa urban poor communities.
Ito ay sa pamamagitan ng Project Ugnayan katuwang ang Caritas Manila.
Bukod pa rito, nagbukas din ng kanilang pintuan ang mga parokya, paaralan, at mga kumbento bilang pansamantalang tahanan ng mga frontliners at mga walang matutuluyan sa panahon ng enhanced community quarantine dahil sa pandemic novel coronavirus.