258 total views
Binuksan ng Diocese of Legazpi ang Our Lady of Salvacion Parish para sa mga stranded na pasahero sa Pio Duran Port sa Albay dahil sa masamang panahon na dala ng bagyong Usman.
Ayon kay Father Rex Arjona, Social Action Center Director ng Diyosesis, nakatanggap siya ng ulat mula sa kura paroko ng Our Lady of Salvacion Parish na si Father Ed Ramin, na mahigit na sa 50 indibidwal ang kasalukuyang stranded sa Pio Duran Port.
Tinatanggap ng Simbahan sa kanilang Parish Hall ang mga pasaherong nais makituloy at binibigyan ng kanilang mga pangunahing pangangailangan upang maibsan ang hirap na dinaranas.
“Sila lang naman yung medyo maayos na accomodation. Hindi naman ito parang hotel or something, basta ito ay Parish Hall, pang sanggalang sa lamig, meron s’yang kitchen, merong mauupuan, may basic [needs]. We are trying to do something also sa Parish, para eventually tunay na silang maging more welcoming in terms of additional facilities for washing, toilet, also beddings, para pag palagi nang nangyayari ang sitwasyon na ito, nad’yan na rin naman.” pahayag ni Father Arjona sa Radyo Veritas.
Inaasahan na madadagdagan pa ang mga ma-i-stranded at maaaring umabot ito sa mahigit 100-indibidwal dahil sa patuloy na pagdating ng mga bus na lulan ang mga pasaherong nais umuwi sa kanilang probinsya ngayong ipagdiriwang ang bagong taon.
PRAY, PREPARE, CARE
Samantala, humingi naman ng panalangin si Father Arjona dahil sa muling pagbabadya ng panganib na dulot ng bulkang Mayon at ang bagyong Usman.
Naniniwala ang pari na mabisa ang pananalangin ng Oratio Imperata, lalo na kung sasamahan pa ito ng dasal upang tuluyan nang mawala o hindi magdulot ng matinding epekto ang sama ng panahon sa iba pang bahagi ng bansa at ang pagputok ng bulkan sa kanilang lugar.
Binigyang diin rin nito ang kahalagahan ng pagiging handa, upang makamit ang “zero casualty” na isang social justice goal at mailigtas ang mga inosenteng buhay mula sa kalamidad.
Gayunman, kung hindi talaga maiiwasan ang mga masasamang pangyayari, hinimok ni Father Arjona ang mga mamamayan na kalingain at tulungan ang kanilang kapwa.
“Meron kaming Pray, Prepare, at saka Care… Importante yung ipanalangin natin ang isa’t-isa at lalong-lalo hindi lang tayo kun’di yung mga matatamaan pa ng impending na masamang panahon. Prepare, kailangan maghanda pa rin tayo kasi naniniwala tayo na zero casualty is a social justice goal. It’s a matter of justice na dapat walang masawi so preparation is the key. Kung may mangyari man, magtulungan tayo, tamang-tama panahon ng pasko lalo na, importante yung pagkalinga sa bawat isa.” Panawagan ni Father Arjona.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS kaninang umaga, apat na mahihinang paggalaw ng lupa ang naitala, matapos dalawang beses na magbuga ng abo ang bulkang Mayon kahapon.
Matatandaang nitong Enero, sa pagsisimula pa lamang ng taon ay umakyat sa Alert Level 4 ang bulkang Mayon at umabot sa halos 80-libong indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad at kinailangang ilikas ang mamamayan mula sa 56 na mga Barangay.