172,229 total views
Kapanalig, napapansin mo pa ba ang mga taong lansangan na nadadaanan mo araw-araw habang papunta ka sa trabaho o paaralan? Nakikita mo pa ba ang kanilang mga sitwasyon, kondisyon, pati kanilang mukha?
Sa mga sidewalks o bangketa, sa tapat ng mga lumang gusali, sa eskinita, makikita natin ang marami nating kapwa Pilipino, kasama ang mga karton na hinihigaan ng kanilang pamilya, o kariton na tinatawag nilang mga tahanan. May mga iba, sa mga lumang buildings sumisilong, pagod, tuliro, at halos wala ng pagasa.
Mahirap bilangin kapanalig, kung gaano karami ang mga mamamayan nating sa lansangan nananahan. May mga datos na nagsasabi na humigit kumulang mga 12,000 ang gumagalang street people sa ating bayan. Pero dahil nga sila ay mobile, mahirap makuha ang eksaktong bilang. Kapanalig, hindi man matiyak, alam nating marami sila. Wala ba tayong magagawa?
Marami sa atin ang natatakot na sila ay lapitan – iniisip natin lagi na baka may mental health issues, baka bayolente sila, baka manakit sila. Pero naisip ba natin kapanalig, na marami sa kanila ay mga taong nawawala, na pinaghahanap din ng kanilang mga pamilya ngunit di na makita o makilala? Naiisip kaya natin na tulad nila, may mga pamilya rin silang naghahanap at naghihintay sa kanila? O hinahanap pa kaya sila ng kanilang kaanak?
Kapanalig, kulang ang dasal at limos kung iyan lamang ang ating ginagawa para sa mga street people. Kailangan dito ng aksyon para naman sila ay maging ligtas. Ang barangay at LGUs kapanalig, ay maaring manguna dito, katuwang ang Department of Social Welfare and Development. Umikot lamang sila at itipon ang mga homeless sa kanilang lugar, linisin, bigyan ng silong, ipanawagan sa kaanak, at tulungan makapagsimula muli, malaki na ang magiging epekto nito. Kaya lamang, siguro, mas nanaig ang takot nating lumapit sa taong grasa kaysa sa pagnanais nating mabago ang buhay niya.
Kapanalig, sana ngayong kwaresma, isa ito sa maging proyekto ng ating mga komunidad. Kongkretong aksyon ang kailangan para sa mga kapwa nating ipinaubaya sa atin ng Diyos para ating alagaan. Dapat natin sanang maunawaan, kapanalig, ang kawalan ng masisilungan ay paglabag sa ating karapatang pantao at niyuyurakan nito ang ating dignidad. Sabi nga sa Gaudium se Spes: All offenses against human dignity, such as subhuman living conditions…all these and the like are criminal: they poison civilization.
Sumainyo ang Katotohanan.