2,655 total views
Ikinagalak ng Sts. Peter and Paul Parish sa Makati City ang pagkilalang Important Cultural Property ng pamahalaan ang pinakamatandang simbahan ng lungsod kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo.
Ayon kay Parish Priest Fr. Genaro Diwa nabuo ang lungsod sa pamamagitan ng parokya na itinatag ng mga Heswita noong 1620 at sa kasalukuyan ay patuloy ang paglago sa kabila ng mga nangyaring pag-unlad.
“Itong parokya ng San Pedro at San Pablo ang pinag-ugatan ng Makati, malaki ang ambag ng simbahan sa pag-unlad ng lunsod at sa kabila ng mga nangyayaring pag-unlad hindi nawawala ang pananampalataya sa Diyos, ang debosyon kay San Pedro at San Pablo at sa Mahal na Birhen ng Dela Rosa.” pahayag ni Fr. Diwa sa Radio Veritas.
Nagpasalamat ang pari sa pagkilala at tiniyak na higit pang pahahalagahan at pagyamanin ang simbahang nagpasimula sa payak na komunidad hanggang maging kilalang business district ng bansa.
Nagpasalamat din si Fr. Diwa sa biyaya ng pananampalataya na makalipas ang dalawang libong taon mula nang ihabilin ni Hesus kay San Pedro ang simbahan ay patuloy pa rin itong lumago.
“Unang-una pasasalamat nating mga katoliko na tayo ay kabilang sa simbahang itinatag ni Kristo at ipinagkatiwala kay San Pedro at San Pablo, sa kabila ng maraming pag-uusig at mga hilahil na hinaharap ay nakatayo pa ang simbahang katolika na pinanaligan, nakaugat kay San Pedro at San Pablo ang katiyakan nang aral at turo ni Hesus.” giit ni Fr. Diwa.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Banal na Misa sa pagdiriwang ng kapistahan ng dalawang Apostol gayundin ang unveiling ng marker bilang Important Cultural Property kasama ang mga opisyal ng Makati City at ng National Museum of the Philippines.
Batay sa kasaysayan ng simbahan itinatag ito noong 1620 bilang San Pedro de Macati sa pangunguna ni Fr. Pedro Montes habang 1718 nang dumating sa simbahan mula Acapulco Mexico ang imahe ng Virgen de la Rosa.
Ilan sa mga mahalahang pagdiriwang ng simbahan ang 300th Anniversary ng pagdating ng imahe ng Mahal na Bihen ng dela Rosa de Macati noong February 25, 2018 na pinangunahin ni noo’y Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle, Canonical Coronation ng imahe noong March 2019 na pinangunahan ni noo’y Papan Nuncio Archbishop Gabriele Giordano Caccia, at ang 400th Anniversary ng parokya noong November 2020 na pinangunahan ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na kasalukuyang namahala sa Archdiocese of Manila sa nasabing taon.
Batay sa datos ng National Commission for Culture and the Arts nasa 130 simbahan na sa bansa ang kinilalang Important Cultural Property, National Historical Landmark at National Cultural Treasures.