1,148 total views
Homiliya para sa Huwebes sa Unang Linggo ng Adbiyento, 01 Disyembre 2022, Mt 7:21,24-27
Noong kabataan ko pa, sumikat ang commercial ng isang Bangko dahil sa slogan na inuulit-ulit sa radyo at TV: “Subok na Matibay, Subok na Matatag.” Kaya nang na-bankrupt at tuluyang bumagsak ang nasabing bangko, naging parang katatawanan ang pinasikat na slogan. May isang entertainment host sa isang noontime TV show, inispoof niya ang slogan: “Subok na mahina, Lubos nang Malansag.”
Parang naging aral iyon sa mga kliyente; ang ebidensya ng katatagan ng isang kumpanya ay wala sa sinasabi. Nasa ginagawa. Para bang bumili ka ng bahay na nakatayo na. Maaaring ang nakikita mo ay maganda at maayos, pero ang pinakaimportante, ang nagbibigay tatag ay hindi mo nakikita dahil nasa ilalim. Ito ang pundasyon.
Nakikita natin ang madalas mangyaring mga landslide sa Baguio City, di ba? Kung paanong gumuguho at bumabagsak ang naglalakihang mga bahay kapag merong landslide. Habang dumadausdos pababa, nakikita mo ang mahinang pundasyon.
Ang ebanghelyo natin ngayon ay hindi naman tungkol sa pagtatayo ng bahay. Talinghaga lang ito. Mga tipo ng pagkukumpara o paglalarawan na nagpapakita sa carpentry background ni Hesus. Pero tungkol sa pagiging alagad ang talagang punto niya. Na kahit totoo na napakahalaga sa buhay ng alagad na malaman o matutuhan ang Salita ng Diyos, sa bandang huli, ang tunay na mahalaga ay ang pagsasagawa o pagsasabuhay nito.
Sa Tagalog, pag nagreact ang tao sa pangako ng isang taong kilala niyang hindi tumutupad ng salita, minsan sinasabing patalinghaga, “Ay naku, isulat mo sa tubig.” Ibig sabihin, madaling maglaho o makalimutan o hindi maaasahan. Pero pag kapani-paniwala ang nagsasalita, nasasabi, “Ah iyan, itaga mo sa bato.” Ibig sabihin hindi nabubura, pinaninindigan, o tinatayaan ng tao ng buo niyang pagkatao.
Sa Genesis, sa kuwento ng paglikha, sapat na sa Diyos na sabihin “Magkaroon nito o magkaroon ng ganoon at nagkakaroon nga. Ibig sabihin, ang Salita ng Diyos ay makapangyarihan. Nakapangyayari, nakalilikha, nakapagbabago. Kaya hindi sapat para sa atin na ituring si Kristo bilang bilang Propeta o Tagapagsalita o Tagahatid ng Salita. Siya mismo ang SALITA, salitang nagkatawang tao. Ang buong buhay niya, isip niya, ugali niya at pakikitungo sa kapwa, ang mismong gawain niya ay nagpapatotoo sa Salita ng Diyos.
Ang pinakamasakit na batikos na nabitawan ni Hesus tungkol sa mga Pariseo ay “Sundin ang sinasabi nila ngunit huwag pamarisan ang ginagawa nila.” Walang saysay ang Salitang hindi napaninindigan, o naisasabuhay. Hindi nagkakatawang-tao.
Ang katatagan ng disipulo ay nakikita lalong-lalo na sa mga sandali ng pagsubok. Nananatili, kahit hagupitin ng mga bagyo at unos ng buhay. Lumipas man ang langit at lupa, ang Salita ng Diyos ay hindi kailanman lilipas.