268 total views
Mga Kapanalig, nitong nakaraang mga linggo makailang ulit na nagtaas ang presyo ng petrolyo. Kung ihahambing ang presyo ng krudo o diesel noong Oktubre ng nakaraang taon, umakyat ito ng labingwalong piso sa loob lamang ng nakaraang siyam na linggo.
Kaya naman, dumadaing ang mga tsuper ng mga jeep dahil sila ang pumapasan ng malaking dagdag na halagang ito. Maliban sa mga tsuper, ang kita ng mga mangingisda ay labis na naapektuhan din ng labis na pagtaas ng presyo ng krudo. Dahil dito, napag-uusapan ang pagsuspinde ng pagpapataw ng excise tax sa petrolyo upang hindi na lalo pang tumaas ang presyo nito at hindi kailanganing magtaas ng pamasahe na magiging pahirap din sa mga mananakay na mababa rin ang kinikita.
May iba namang nagsasabing imbis na suspindihin ang pangongolekta ng excise tax, bakit hindi na lang magbigay uli ng espesyal na ayuda o subsidiya para sa mga tsuper na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo gaya ng ginawa noong nakaraang taon sa ilalim ng Bayanihan 2? Ang ganitong uri ng tulong ay isang subsidiya na binigigay ng gobyerno upang maibsan ang pasanin ng mga tsuper at mga mananakay. Kapag sinuspinde ang excise tax, malaki ang makokolektang buwis ng pamahalaan na kailangan naman nito upang matustusan ang mga serbisyong pampubliko at mga itatayo o kukumpunihing imprastruktura. Makikinabang din ang mga hindi naman nangangailangan ng tulong katulad ng mga maykayang marami ang sasakyan at mga kumpanyang malakihang gumamit ng petrolyo.
Kung ang tulong sa mga nangangailangan ay ibibigay sa pamamagitan ng direktang subsidiyang matatanggap mismo ng mga apektadong sektor ng mga tsuper at mangingisda, mas maliit ang halagang gagastusin ng gobyerno at ang mga tunay na nangangailangan ng tulong ang matutulungan. Dapat lang tiyaking lahat ng dapat tumanggap ng subsidiya ay maaabot; noong namahagi ng tulong sa mga tsuper sa ilalim ng Bayanihan 2, dumaing ang ilang tsuper na hindi naabutan ng tulong.
Sa pagtatakda ng mga patakaran, ang dapat na pamantayan ay kung ano ang higit na magiging kapakipakinabang sa mga nangangailangan. Sa isang banda, kung sususpindihin ang excise tax, dapat timbangin kung aling mga serbisyo ang maaaring masakripisyo at kung ilan rin ang hindi makatatanggap ng serbisyong kailangan nila dahil sa lumiit ang panustos ng gobyerno. Sa kabilang banda, kung subsidiya naman ang pipiliing paraan ng pagtulong sa mga manggagawa at mga tsuper, kailangang siguruhing maayos ang pagtukoy ng mga bibigyan ng tulong pinansiyal upang lahat ng nangangailangan ay makatanggap ng subsidiya. Alinman ang mapipiling paraan, mahalagang ang basehan o pamantayan ng pagdedesisyon ay ang kapakanan ng mga apektado at nangangailangan.
Sa Isaiah 1:17, pinababatid ng Panginoon na ang katarungan para sa Kanya ay ang pagkalinga sa mahihirap at mahihina sa lipunan. Sabi Niya, “Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.” Malinaw na ang panukatan ng Panginoon kung ang Kanyang bayan ay tumatalima sa Kanya ay kung paano nito inaalagaan ang pinakamahihina.
Mga Kapanalig, sa gitna ng pandemya at pagdapa ng ekonomiya, dumarami ang mga naghihirap, ang mga walang kakayahang tugunan ang kanilang pinakasimpleng pangangailangan. Pinapaalala sa atin ng ating Simbahang ang pagkalinga sa mahihirap ay hindi lamang ginagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng materyal o pinansyal na ayuda. Ang pagtulong ay dapat kinikilala at pinauunlad ang dignidad nila bilang tao at anak ng Diyos. Sabi nga ni Pope Francis, ang bawat tao ay sinasalamin ang Diyos na patuloy na lumillikha at kapwa-manlilikha ng tao. Ang mga manggagawang inaabutan natin ng tulong o ayuda katulad ng mga tsuper, mangingisda, at magsasaka, ay ang mga manggagagawang sandigan ng ating ekonomiya na bumubuhay sa ating lahat.