326 total views
Mga Kapanalig, ginunita kahapon ng ating Simbahan ang World Day of the Poor. Layunin ng araw na itong bigyang pansin ang mga suliranin ng mga kapatid nating naisasantabi sa lipunan at hikayatin ang bawat isang kumilos para sa kaunlaran ng lahat.
Ayon sa National Economic and Development Authority (o NEDA), tumaas ang poverty rate o bilang ng mahihirap sa bansa mula 17 percent noong 2018 sa 18.3% ngayong pandemya. Katumbas ito ng mahigit 20 milyong Pilipinong sadlak sa kahirapan. Noong Agosto, naitala rin ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin; mula 5.1% noong 2018, umakyat ito sa 4.9%. Nangangahulugan itong higit na mababawasan ang mabibili ng mahihirap, lalo na ang mga magsasaka at mangingisda, sa kakarampot nilang kita.
Samantala, patuloy ang pagdinig sa Senado sa mga alegasyon ng katiwalian sa pondong nakalaan sa pagtugon sa pandemya. Nariyan ang mga overpriced na face shields na binili sa kadududang kumpanyang pag-aari ng mga kaibigan ng mga pulitiko. Ang asawa nga ng isang major stockholder sa kumpanyang ito ay nagising na lamang na may mamahaling sasakyan sa kanyang garahe. Tatakbo bilang kongresista ang misis na ito ng stockholder sa kumpanyang sangkot umano sa katiwalian.
Noong isang linggo, nagbabala si Bishop Broderick Pabillo tungkol sa mga kandidatong magsasabing pro-poor o makamahirap sila ngayong panahon ng kampanya. Para sa obispo, hindi dapat paniwalaan ang mga kandidatong magsasabing tutulungan nila ang mga dukha kapag naluklok sila, kung ngayon pa lang ay wala na silang ginagawa para sa mahihirap. Hinikayat ng obispo ang bawat botanteng maging mapanuri sa mga kandidato, lalo na ang mga kaalyado ng mga pulitikong iniuugnay sa katiwalian. Aniya, piliin natin ang mga kandidatong may konkretong ginagawa para sa mahihirap, silang pumupunta sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Naniniwala ang mga panlipunang turo ng Simbahang ang kahirapan ay maituturing na hadlang sa pagtataguyod sa dignidad ng tao. Hindi nakakamit ng mahihirap ang mga batayang pangangailangang dahil sa hindi tamang pagbabahagi ng yaman ng mundo. Bibigyang-diin ng mga turo ng Simbahang umiiral ang yaman ng mundo upang pagbahaginan. Hindi ito dapat nanatili sa kamay ng iilan. Lalong hindi ito dapat kinakamkam ng mga nasa posisyon.
Kaya naman, tinitingnan ng Santa Iglesia ang katiwalian bilang isa sa pinakaseryosong depormidad ng demokratikong sistema. Maituturing itong pagtataksil hindi lamang sa moralidad kundi maging sa prinisipyo ng panlipunang katarungan. Minsan ngang sinabi ni Pope Francis na ang mga dukha ang nagbabayad sa katiwalian. Ang katiwalian ay tahasang pagnanakaw sa mahihirap ng kanilang makakain at maaayos na serbisyo katulad ng sapat na ayuda sa gitna ng krisis, dekalidad na edukasyon para sa mga kabataan, at mahusay na serbisyong medikal.
Sa taong ito, ang tema ng World Day of the Poor ay mula sa Marcos 14:7: “Sapagkat habang panaho’y kasama ninyo ang mga dukha.” Pinaaalala ng mga salitang ito sa Ebanghelyo ang palagiang presensya ng mga dukha sa ating kapaligiran at ang hamong tingnan sila bilang mga kapatid natin. Hindi sila mga estatistika lamang. Sa darating na eleksyon, siguruhin nating makapagluluklok tayo ng mga lider na totoong itataguyod ang kaunlaran ng mahihirap. Kailangan natin ng mga lingkod-bayang lalabanan ang katiwalian bilang paggalang sa dignidad natin, lalo na ng mga maralita.
Mga Kapanalig, baunin natin ang mensahe ni Pope Francis ngayong World Day of the Poor: Kung ang mahihirap ay naisasantabing para bang kasalanan nila ang kanilang abang kalagayan, namimiligro ang konsepto ng demokrasya at ang bawat patakaran ay walang saysay. Nawa’y sama-sama nating tanawin ang bukas na naitataguyod ang kaunlarang kasamang umaangat ang mahihirap. Umpisahan natin ito sa pagpili ng mga tamang lider.