268 total views
Mga Kapanalig, dalawang linggo na ang nakararaan nang ilabas ng Transparency International ang Corruption Perceptions Index (o CPI) ng halos dalawandaang bansa. Sinusukat ng CPI ang pananaw ng publiko at mga eksperto sa katiwalian sa kanilang bansa. Noong 2020, nakakamit tayo ng iskor na 34; 100 ang “pinakamalinis” at zero naman ang pinakatiwali. Samakatuwid, hindi man lang tayo pasang-awa. Hindi rin tayo umabot sa pandaigdigang average score na 43.
Bagamat napanatili lamang natin ang iskor na ito mula noong 2019, bumaba sa pang-115 ang ating ranking mula 113 sa 180 na bansang kasali sa talaan. Noong 2018, nasa pang-99 tayo. Ibig sabihin, hindi umiigi ang pananaw ng taumbayan at mga eksperto pagdating sa kung gaano kalaganap ang katiwalian sa ating bansa. Ayon pa sa Transparency International, ang COVID-19 ay hindi lamang krisis sa kalusugan at ekonomiya kundi isa ring krisis ng katiwaliang bigo tayong sugpuin. Ito ay dahil ang mga nasa kapangyarihan at mga nangangasiwa sa kaban ng bayan ay mas pinaglilingkuran ang kanilang mga pansaraling interes, sa halip na ang pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan.
Malaking bahagi ng pagsugpo sa katiwalian ang pagkakaroon ng pamahalaan ng transparency o ang pagpapaalám sa publiko ng lahat ng gawain at transaksyon nito. Ito ang sinasabing kulang na kulang sa pagbili natin ng bakuna laban sa COVID-19. Maraming tanong tuloy ang taumbayan sa tunay na halaga ng mga bakunang planong bilihin ng pamahalaan gamit ang ating buwis. Nariyan din ang 15 bilyong piso na sinasabing ninakaw ng ilang opisyal ng PhilHealth. Matapos isiwalat ng dating anti-fraud legal officer ng ahensya ang katiwalian ng mga namumuno rito, naninindigan pa rin ang mga namumuno ng PhilHealth na walang nangyayaring nakawan sa loob ng ahensya.
May ginagawa naman daw ang administrasyon para sugpuin ang katiwalian, gaya ng public shaming at pagtatag ng mga ahensyang hahabol sa mga tiwali. Gayunman, may mga nagsasabing bagamat prayoridad ng administrasyon ang mga programang naglalayong tuldukan ang katiwalian sa pamahaalan, kulang daw ito sa pagiging seryoso na ipatupad ang mga ito. Sa madaling sabi, puro salita pero kulang sa gawa.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang katiwalian ay isa sa pinakamalubhang kapinsalaan sa isang demokrasya. Pinagtataksilan ng katiwalian, hindi lamang ang moralidad ng panunungkulan kundi ang pamantayan ng katarungang panlipunan. Sinisira nito ang tiwala ng taumbayan sa mga pampublikong institusyon at nagdudulot ito ng kawalan nila ng ganang lumahok sa pulitikal na buhay ng kanilang lipunan. Sa huli, ang mga institusyong dapat na tumutugon sa pangangailangan ng mga tao ang siyang nanghihina. Binabaluktot ng katiwalian ang magandang layunin ng pulitika upang kumilos tungo sa kabutihang panlahat o common good. Dahil sa katiwalian, nagiging larangan lamang ang pulitika para magpalitan ng pabor ang mga may pansariling interes. Ang mga taong may kapangyarihan ang nakikinabang, samantalang ang taumbayan, lalo na ang mga nasa laylayan, ay naisasantabi.
Kaya naman, bagamat pananaw lamang ang ipinakikita ng CPI, malaki ang kahulugan nito pagdating sa tiwalang mayroon ang taumbayan sa pamahalaan. May epekto ito sa kanilang pakikilahok sa pulitika at aktibong pakikibahagi sa kaunlaran. Higit na nakaririmarim ang laganap na katiwalian sa gitna ng krisis at mga kalamidad kung kailan marami ang walang trabaho, walang tirahan, at walang makain. Ang katiwalian ay ugat ng kawalan ng katarungan dahil ninanakaw ang kung anong nararapat na igawad sa mga tao.
Mga Kapanalig, ayon sa Hosea 9:9, “gugunitain ng Diyos ang kalikuan ng Israel, at paparusahan ang kanilang mga kasalanan.” Hindi bulag ang Diyos sa kabuktutan ng mga nasa kapangyarihan. Nawa’y maging boses Niya tayo sa pagpapanagot sa mga tiwali at sa pagsugpo sa katiwalian.