426 total views
Nananatili ang “suicide” o pagpapatiwakal bilang isa sa nangungunang dahilan ng pagkasawi sa buong mundo kaysa mga sakit na HIV, malaria, breast cancer, pagkamatay dulot ng krimen at digmaan.
Napag-alaman sa pagsusuri ng World Health Organization na may temang “Suicide worldwide in 2019”, umabot sa higit 700,000-katao o isa sa bawat 100-indibidwal sa buong mundo ang naitalang nasasawi noong taong 2019 bunsod ng pagpapatiwakal.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus na dapat mas paigtingin pa ang pagbibigay-pansin upang mapigilan ang pagtaas ng bilang ng mga nagpapatiwakal sa buong mundo lalo na’t isa rin sa dahilan nito ang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
“We cannot – and must not – ignore suicide. Our attention to suicide prevention is even more important now, after many months living with the Covid-19 pandemic, with many of the risk factors for suicide – job loss, financial stress and social isolation – still very much present,” ayon kay Ghebreyesus.
Samantala, dito sa Pilipinas, naitala ng National Center for Mental Health (NCMH) ang 3,006 na mga tawag na kanilang natanggap noong Enero hanggang Marso, 2021, kung saan aabot sa 35 hanggang 53 ang bilang ng daily average calls na natatanggap ng ahensya, habang tumaas naman sa 289 ang monthly average calls na may kaugnayan sa suicide.
Nauna namang nanindigan ang simbahang katolika na mahalagang matutukan ang mental health ng mamamayan lalo na ang mga higit na apektado ng pandemya upang mabawasan ang pangamba, lumbay at maging ang labis na pag-iisip.
Nakikipagtulungan din ang simbahan sa pamahalaan upang matugunan ang tumataas na kaso ng depresyon sa bansa nang magsimulang magpatupad ng community quarantine noong Marso nang nakaraang taon.