142,815 total views
Minamahal kong Bayan ng Diyos, maligayang kapistahan po ng Kristong Hari sa inyong lahat!
May dalawang bahagi ang sulat pastoral na ito. Ang una ay pagninilay sa ating ebanghelyo ngayon, Mateo 25: 31-46. At ang pangalawa ay pagninilay naman sa ebanghelyong pagkukuhanan natin ng inspirasyon para sa ating Diocesan Synodal Pastoral Planning (DSPP), Juan 21:1-19.
UNANG PAGNINILAY: MATEO 25:31-46
Simulan natin ang unang bahagi sa isang kuwentong isinulat ng Amerikanong awtor na si Mark Twain “Ang Prinsipe at ang Pulubi”.
Sa isang malayong bayan, may isang batang pulubi na di-sinasadyang nakatagpo ang isang batang prinsipe sa may bakuran ng palasyo. Naging matalik na magkaibigan ang dalawa. Dahil sila’y magka-edad at malapit ang pagkakahawig sa isa’t isa, iminungkahi ng prinsipe sa kaibigang pulubi na magpalitan silang kasuotan. Bukod sa ibig maranasan ng prinsipe ang buhay sa labas ng palasyo, gusto rin niyang iparanas sa bagong kaibigan ang maginhawang buhay ng isang prinsipe. Kaya nagkabaligtad ang kanilang mga daigdig.
Doon sa labas ng palasyo, naranasan ng batang prinsipe ang lahat ng pinagdaanan ng kaibigan niyang batang pulubi—ang hirap, gutom at kalupitan. Naranasan din niya ang pagmamagandang-loob ng ilang tao, lalo na ng isang sundalong papauwi sa palasyo, galing sa giyera. Kilala niya ang sundalong ito ngunit hindi siya nakilala ng sundalo.
Mabilis na nagdaan ang isang taon. Minsan isang araw, umugong ang balita sa buong kaharian na ang Hari ay namatay na. Naging balita rin ang tungkol sa paghahanda ng buong bayan para sa pagluluklok sa trono ng magiging tagapagmana ng korona bilang bagong hari. Noon minabuti ng tunay na prinsipe na umuwi. Halos ipagtabuyan siya ng mga bantay nang sinikap nito na pumasok sa palasyo, ngunit mabilis na nakilala siya ng kanyang kaibigan.
Nabigla ang lahat nang kusang ilipat ng kaibigan ang suot nitong korona— sa ulo ng tunay na prinsipe na inakala ng lahat ay pulubi. Namangha rin silang lahat nang makita nila sa daliri ng pulubi ang singsing na nagtataglay ng selyo ng kaharian. Ito ang nag-iisang bagay na itinago ng prinsipe nang makipagpalitan siya ng lugar sa kaibigang pulubi. Ito rin ang nagsilbing patunay na siya nga ang totoong tagapagmana ng trono. Kaya ang lahat ay biglang lumuhod sa harapan niya nang makita ito. Kinilala siya at itinanghal bilang bagong hari ng buong kaharian.
Sa harapan ng lahat, kinilala ng bagong hari ang sundalong nagmalasakit sa kanya noong nasa labas pa siya ng palasyo. Nasorpresa ito nang gantimpalaan siya ng bagong hari at gawin siyang Heneral. Noon lang siya namulat na ang batang palaboy pala na minsa’y tinulungan niya ay ang tagapagmana ng trono ng kaharian.
Nabigla rin ang kaibigan na nakapalitan niya ng lugar. Handa na sana itong bumalik sa pagka-pulubi nang italaga siya ng bagong hari bilang Punong Ministro ng Kaharian upang tulungan daw ang hari sa pagtataguyod ng isang kahariang patas at makatarungan, mag-aangat sa kalagayan ng mga dukha at kapuspalad.
Hindi ako magtataka kung ang popular na kuwentong ito ni Mark Twain ay humugot ng inspirasyon sa ebanghelyong narinig natin ngayong araw ng kapistahan ng Kristong Hari.
Di ba’t ayon sa ebanghelyo, sa bandang dulo ng kuwento, nasorpresa daw ang mga matuwid na ang dukha kanilang pinagmalasakitan ay walang iba kundi ang Hari mismo. Sa kuwento ni Mark Twain, isang haring kusang bumaba sa trono, naghubad ng dangal ng maharlika at nakipagpalit ng lugar sa isang kapus-palad upang maranasan ang mga pinagdaraanan ng mga nagugutom, nauuhaw, hubad, palaboy, maysakit, at bilanggo sa lipunan. Siya ang mamumuno, kasama ng mga nakakikilala sa kanya, upang ang maghari sa daigdig ay habag, malasakit, katarungan at kasaganaan para sa lahat.
Sa 2 Cor 8:9, isinulat ni San Pablo, “Sapagkat alam ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagamat mayaman ay nagpakadukha alang-alang sa atin, upang sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo.” Siya ang Anak ng Diyos na nakipamuhay sa atin bilang Anak ng Tao, siya na naghubad ng kanyang dangal hanggang kamatayan sa krus ay itinaas at itinampok, upang sa ngalan niya ang sanlibutan ay lumuhod upang ipahayag na siya ang Panginoon, ang Hari ng Sanlibutan. (Filipos 2:6-11) Siyang Anak ng Diyos ang kusang loob na nagpakumbaba upang maiangat ang dangal ng mga tao sa pagiging mga anak ng Diyos.
Ang misyon ni Kristo ay misyon din ng Simbahan na sa bisa ng kaloob na Espritu Santo sa binyag ay kumakatawan sa kanya. Hindi ba’t ito rin ang isa sa mga adhikain ng PCP2? Ang maging isang simbahan ng mga dukha para sa mga dukha? Simbahang ang hangad ay maghatid ng buhay na ganap, katulad ng layunin ng Anak ng Diyos sa hatid niyang Mabuting Balita?
IKALAWANG PAGNINILAY: JUAN 21:1-19
Ang Panginoong nakikilala sa mga taong mapagkumbaba—ito rin ang diwa ng ebanghelyong paghuhugutan naman natin ng inspirasyon para sa tema ng inilulunsad nating DSPP: Juan 21:1-19. Katulad ng iba pang mga ulat tungkol sa pagpapakita ng Kristong muling nabuhay, hindi rin kaagad nakilala ng mga alagad ang Panginoon sa kuwento ito. Inakala nilang isang matandang pulubing nagpapalimos ng makakain ang kausap nila sa dalampasigan. Sa bandang dulo may sorpresa rin: ang akala nilang humihingi ng pagkain ang siya palang magpapakain sa kanila. Ang akala nilang nagdidilihensya ng isda ang siya palang magtuturo sa kanila kung paano manghuli ng maraming isda.
Kung mga tupa at pastol ang larawan sa naunang ebanghelyo, mga isda at mangingisda naman ang sa pangalawang ebanghelyo. Kung paanong sa Mateo 25 ang mga tupa ay kikilalanin ng Pastol at itatalaga niya bilang mga katuwang niya sa misyon ng pagpapastol, sa Juan 21 ang mga alagad na nagsimula na parang mga isdang nahuli sa lambat ng Panginoon ay ihahanda sa pagiging kapwa-Mangingisda para sa kaharian ng Diyos.
Ang simbahang sinodal ay sambayanan ng mga alagad na nakikipagkaisang puso’t diwa at nakikikahok sa gawain at misyon ng Panginoong ating Mabuting Pastol. Naging kaibigan siya ng mga abang mangingisda ng Capernaum sa may lawa ng Galilea. Nakipamuhay siya sa kanila at nakibabad siya sa mundo nila. Hinuli muna ang loob nila sa pahayag niyang Mabuting Balita bago niya sila tinuruan ng “ibang klaseng pangingisda” upang makasama niya sa panghuhuli ng loob para sa kaharian ng Diyos.
Ito ang diwang gagabay sa ating inilulunsad na DSPP (Diocesan Synodal Pastoral Planning) sa araw na ito. Gagawin natin ang buong proseso ng DSPP sa loob ng isang buong taon (2024). Sasabay tayo sa nagaganap na pandaigdigang Sinodo tungkol sa adhikaing maging simbahang sinodal na. Itataon natin ang simula ng implementasyon ng DSPP sa taon 2025, taon ng Hubileo ng Simbahang Katolika.
Magsisimula ito sa lipatan ng ating kaparian sa kani-kanilang mga bagong mga parokya at ministries sa Enero 2025. At ang magiging kasunod ng paglulunsad na ito ay apat na hakbang. Sa first quarter ng taon 2024, magkakaroon tayo ng marubdob na mga konsultasyon at pagpupulong. Isasagawa natin ito sa anyo ng “spiritual conversations” na harinawa’y totoong pamunuan ng Espiritu Santo. Sa kanya lang tayo magpapagabay para sa direksyon na dapat nating sundin bilang sambayanan ng mga alagad. Gagawin natin ito sa lahat ng antas ng simbahan: mula sa mga BEC, Kapilya, Mission Stations, Parokya, Bikaryado at Diyosesis.
Sa second quarter naman ng Taon 2024, gagawin natin ang ikalawang antas ng DSPP—ang Pagsusuri sa mga nakalap sa konsultasyon. Sa 3rd quarter noon tayo magdedesisyon kung aling mga hangarin ang bibigyan natin ng prayoridad sa ating pagpaplano. At sa 4th quarter, noon natin gaganapin ang aktwal na Pagbabalangkas ng mga Planong Aksyon ng DSPP para sa susunod na anim na taon.
Ang magiging simula ng Implementasyon mula sa taon 2025 matapos ang lipatan ng kaparian sa Enero ng buwang iyon ay ang sinodal na pagpaplanong pastoral naman sa mga parokya, mga Kapilya, mga Mission Stations at Mission Centers, at mga BEC (Basic Ecclesial Communities), sa isang paraan na naka-angkla sa DSPP (diocesan synodal pastoral plan).
Ang magiging tema ng ating sa DSPP ay huhugot ng inspirasyon sa Juan 21: 1-19. Hango ito sa sinabi ni San Pedro at ang mabilis na sagot ng mga kasama niya: “Mangingisda ako; sasama kami!” Tungkol naman ito sa ginawang pagpapakilala ng Kristong muling nabuhay sa kanyang mga alagad, upang sa pamamagitan ng kanilang pakikipagkaisang-puso’t diwa sa kanya at pakikilahok sa kanyang buhay at halimbawa, sila’y maihanda niya sa pakikibahagi sa kanyang misyon.
Ito rin ang gagawin natin sa DSPP na inilulunsad natin mula sa araw na ito. Ako na inyong Obispo, kasama ang lahat ng mga kapwa pinunong lingkod sa mga kaparian, relihiyoso at laiko ang gaganap sa papel ni Pedro. Kung paanong sinabi niya, “Mangingisda ako!” At isinagot nila sa kanya, “Sasama kami!” Inaanyayahan ko rin kayong lahat mula sa araw na ito na makiisa sa gawain at misyon ng simbahan sa Diocese of Kalookan. Mangingisda tayo. Kung handa na rin kayong sumama sa misyon, ang isasagot sa paanyaya ay SASAMA KAMI!
Mangingisda ako!
Sasama kami!
Mangingisda ako!
Sasama kami!
Viva Cristo Rey!
Mabuhay ang Kristong Hari!
+Pablo Virgilio S. David
Obispo ng Kalookan
26 Nobyembre 2023