2,024 total views
Tiwala si Department of Agrarian Reform (DAR) Undersecretary for Legal Affairs Luis Meinrado Pañgulayan na matatapos na ang paghihirap ng mga magsasaka ng Barangay Sumalo, Hermosa, Bataan at muling mababawi ang lupang kanilang tinubuan.
Sa pagtataya ni Pañgulayan, aabutin lamang ng tatlo hanggang anim na buwan ang pagresolba sa usapin kung agad na makakapag-ulat ang Task Force Litton Property na nag-iimbestiga sa kontrobersyal na 213-hektaryang lupa na pag-aari ng pamilya Litton at kung bibigyang prayoridad ito ng Pangulong Rodrigo Duterte.
“Napakatagal na po ng paghihirap ng mga magsasaka, kung babalikan po natin ang pakikipag-laban nila sa legal, matagal na po silang dehado. Hindi pa tapos ang trabaho ng DAR sa Bataan hangga’t hindi nakakapasok ang mga magsasaka ng Sumalo sa lupang sa kanila, so nakakalungkot at nakakagalit. Ang maliwanag po ngayon ay ang ating perspektibo na masimulan ang support services nila dahil ang tagal na po ng paghihirap ng mga magsasaka,” pahayag ni Pañgulayan sa Radio Veritas
Alisunod sa Special Order 405 na inilabas ni DAR Secretary Rafael Mariano, magsasagawa ng ocular inspection sa Bataan ang kagawaran sa pangunguna ni Assistant Secretary for Legal Affairs Elmer Distor upang mangalap ng ebidensya at malaman ang tunay estado ng binakurang lupa.
Iginiit pa ni Pañgulayan na kung mapatunayan na inani ng mga tauhan ng Riverforest Development Corporation ang pananim ng mga magsasaka sa 213-hektaryang lupang kasamang binakuran noong 2009 ay may kaukulang kaso silang kahaharapin.
“Dapat po ang mga bunga ng puno ay hindi mapupunta sa guwardiya o sa Liton. Kailangan pong ma-acount yan sapagkat kapag nagkaroon na po ng pinal na determinasyon at nai-poll ang problemang yan sa Regional Trial Court tungkol sa issue ng fencing, mapupunta po sa mga magsasaka yan. Lahat po ng kinuha ng guwardiya o ng mga tauhan ng may –ari ay utang po nila yan sa mga magsasaka,” dagdag ni Pañgulayan.
Mababatid na nagsimula noong ika-29 ng Mayo ang pagmamartsa ng nasa 150 Sumalo farmers mula Bataan patungo sa tanggapan ng DAR upang ipakita sa pamahalaan ang social injustice na walong taon na nilang nararanasan.
Read: Malacañang, susugurin ng mga magsasaka ng Bataan
Naunang inakusahan ng Sumalo farmers ang mga opisyal ng DAR Bataan sa Riverforest Corporation.
Read: Pakikisabwatan ng DAR Bataan sa isang development corporation, inalmahan
Patuloy namang ipinaalala ni Pope Francis na kaakibat ng paglago ng ekonomiya ng isang bansa ay ang maigiting na pangangalaga sa karapatan ng maliliit na tao sa lupang kanilang tinubuan dahil bawat indibidwal ay may bahagi sa mundo at kapag may umabuso ay tiyak na may mawawalan.