262 total views
Patuloy ang panawagan ng tulong ng Archdiocese of Manila Disaster Risk Reduction and Production Management Office para sa mga nasalanta ng Bagyong Nina nitong nakaraang Pasko.
Ayon kay Fr. Rick Valencia, Caritas Manila Damayan Program Priest in charge at Minister ng DRRM and Ecology Ministry, ibahagi natin sa mga nangangailangan ngayon lalo na sa mga biktima ng bagyo ang mga biyayang natanggap ngayong Pasko.
“Sa ating pong mga kababayan mga kapanalig na nakikinig na may ginintuang puso muli pong kumakatok ang aming puso’t damdamin para sa ating mga kapatid, ito po essence ng Christmas. Ang Diyos ang nagbigay sa atin ng pinaka mahalagang regalo walang iba kundi ang anak na ipinanganak kasama natin at dahil dito sa mga taong tumangap sa kanya nabubuo ang damdamin upang magmahalan at ang pag mamahal ay maipapakita konkreto lalo na sa mga kapatid nating nahihirapan sa iba’t ibang klase ng pag hihirap lalo na sa panahon ng sakuna. Muli kaming nananawagan sa inyo na maraming mga natangap na regalo at may mga bagay-bagay kung minsan sumosobra na sa atin dahil sa pagbuhos ng grasya sa panahon na ito. Wag nating kalimutan na daan-daang taong nangangailangan ngayon,” ayon kay Fr. Valencia sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, ayon sa pari bagamat nakapag-repack na sila ng halos 700 relief items, kulang ito sa mga nabiktima ng bagyo para sa kanilang paunang tulong na ipagkakaloob kung saan aniya hindi naman sapat ang tulong na naibigay na ng ilang Local Government Units (LGUs) sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development para sa mga susunod pang mga araw.
“Tayo’y nakikipag-ugnayan sa pamamagitan po ng ating Radyo Veritas, sa mga obispo at mga Direktor ng kanilang mga Diocese. At before pa pong dumating ang bagyong Nina, nakikipag ugnayan na tayo sa kanila at ang ating Cardinal ng Maynila ay nag pa-abot na din nang kanyang concern at tulong. Kaya po nananawagan na din po tayo sa ating mga donors and benefactors na kung matapos itong kapaskuhan ay nakakaluwag at willing tayong mag pa-abot ng kanilang mga tulong doon sa mga lugar na nasalanta. Habang nagkaroon kahapon ng pagbabayo ng malakas na hangin… dito sa Caritas Manila patuloy po ang ating pag re-repack ng mga packs natin ng relief, kaya lang kahapon marami tayong mga naging volunteer na pumunta at isa nilang hinaing sana meron pa tayong babalutin,” pahayag ni Fr. Valencia sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, ayon kay Fr. Valencia, nagkulang ang mga ni repack na relief items dahil bago ang Bagyong Nina, maraming biktima ng sunog ang napadalhan nila ng goods.
“Kung ano lang ang naka stock sa atin yun lang ang ating na-ibalot kahapon mga 670 relief bags. Ito po ang panahon kasi nang bago matapos itong taon yung ating mga stock ay unti-unting pinapaubos. Marami kasing mga sunog na naganap bago dumating ang sakuna. Yun ho doon natin naibigay ang mga relief goods. Hiniram na nga namin yung mga bigas na ginamit natin pampa- raffle sana. kami ho ay willing kung may mga kababayan tayo na gustong magbigay ng bigas, mga delata, mga foods, item po at kung wala man ay may mabibilhan naman kami kung sakaling mag papadala sila ng cash,” pahayag pa ng pari.
Kaugnay nito, sinabi ni Fr. Valencia na tumulong na rin ang Archdiocese sa mga na-stranded na pasahero sa Matnog,Sorsogon sa pamamagitan ng pagpapakain.
“Ang ginawa din kasi namin ay isa sa mga naging concern ho ng Cardinal ay yung mga kababayan na na-stranded doon sa Matnog kaya inorganize ho natin yung mga pari doon na magbigay ng feeding sa mga taong kawawa naman. Kaya inassure na po namin na ang kanilang magagastos after maubos yung kanilang pondo ay tutulungan natin. So, doon naka focus yung attention natin noon kasing Huwebes pa po yung mga tao doon and then tayo naman ang nag iintay pa din naman nang tinatawag nilang need assessment sa mga lugar ho na nasalanta, ang kagandahan lang ngayon LGU naman sa mga lugar na tinamaan ay nag handa bago palang dumating,” ayon pa sa pari.
Sa huling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na 22,000 pamilya ang nasa 367 evacuation centers pa rin ngayon matapos ang pananalasa ng Bagyong Nina.
Ayon sa DSWD, mula ito sa mahigit 26,000 pamilya na inilikas mula sa Regions 4-A, 4-B, V at VIII o mula sa 395 na barangays.
Umabot naman sa higit 16,100 ang mga pasaherong na-stranded sa 20 pantalan.
Si Nina ang pang labing apat na bagyo na nananalasa sa bansa ngayong taon mula sa humigit kumulang 20 bagyo na pumapasaok sa Pilipinas kada taon.