258 total views
Ito ang ‘Orakulo ng Propeta Laban sa mga Mamamatay-tao’ na binasa ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David sa Homiliya sa San Roque Cathedral kasabay na rin ng paggunita ng kamatayan ng 17-taong gulang na si Kian Lloyd Delos Santos-na pinatay ng pulis Caloocan dahil sa bintang na pagbebenta ng ilegal na droga Agosto ng nakalipas na taon.
Ayon sa Obispo, ito ang magiging orakulo ng mga sinaunang propeta sa Lumang Tipan sa nagaganap na karahasan sa Pilipinas- ang pagpaslang sa mga hinihinalang lulong sa ipinagbabawal na gamot nang walang pananagutan sa batas.
Nakapaloob din sa binasang Orakulo ni Bishop David ang mga nagpapakilalang ‘Kristiyano’ subalit walang pagpapahalaga sa buhay ng kapwa maging ang paglapastangan sa Panginoon.
“Dumanas nawa kayo ng kasawian, kayong mga tumatawag na “Kristiyano” sa sarili ngunit wala mang lamang ni katiting na pagpapahalaga sa buhay ng mga biktima ng pagpatay, o kahit sa mga paring pinapapatay. Nagagawa pa ninyong makatawa kahit niyuyurakan na ang inyong pananampalataya at tinatawag na tanga ang Diyos! Kayong mga bulag na hibang! Nagsisimba pa mandin kayo para makinig sa Salita ng Diyos; pumipila sa Komunyon para matanggap ang Kordero ng Diyos na namatay para sa mga makasalanan, ngunit hinahayaan ni’yo namang mapatay ang mga pinag-alayan Niya ng buhay!”
Read: Orakulo ng Propeta Laban sa mga Mamamatay-tao /A PROPHETIC ORACLE AGAINST MURDERERS
Pinasinayaan din ni Bishop David, kasama si Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez ang ‘Black Stone Marker’ sa harapan ng San Roque Cathedral, bilang paggunita sa napaslang na si Delos Santos at mga biktimang napaslang dahil sa ‘Drug War Campaign’ ng Gobyerno.
Tinatayang higit na sa 20 libo ang bilang ng mga napaslang dahil sa kampanya kontra droga na una ring kinokondena ng Simbahan.
Sa halip na pagpaslang, nagpasimula ang iba’t ibang Simbahan sa bansa ng community based drug rehabilitation kabilang na ang ‘Salubong’ ng Diocese ng Caloocan kung saan may 300 ng drug surrenderers ang nakapagtapos sa programa.
Ilan pa sa mga drug rehabilitation program ng simbahan ang SUGO at Labang ng Archdiocese ng Cebu; Sanlakbay ng Archdiocese of Manila; HOPE center ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija; at ang 27 taon ng Galilee Homes ng Diocese ng Malolos na nagbibigay ng programa para sa lulong sa bisyo.