279 total views
Ito ang maigting na panawagan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga drug addicts sa bansa na natatakot at nag-aalinlangan pang sumuko sa pamahalaan.
Ayon kay PDEA Deputy Director General for Administration Jesus Fajardo, bukas ang ahensya sa pagtanggap ng mga indibidwal na nalulong sa droga ngunit nais na magbago.
Sinabi ni Fajardo na mula sa rehabilitasyon hanggang sa paghahanap ng trabaho ay sasagutin ng PDEA ang lahat ng pangangailangan ng mga susukong drug addicts sa tulong na rin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang law enforcement agencies.
“Magbago na tayo, sumuko tayo at tutulungan namin kayo na ibigay do’n sa agency kung saan nandoon ang rehabilitation at reintegration and hopefully at the end of the day sabi ko nga hanggang sa paghahanap ng trabaho… Kung sino pa yung nand’yan [na drug addict] huwag kayong matakot. Pumunta kayo sa PDEA o any regional office ng PDEA at makakaasa sila na sila ay tutulungan ng aming mga agents doon sa pupuntahan nila,” paghihikayat ni Fajardo.
Kaugnay nito, inamin ni Fajardo na malaking hamon para sa kanila ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PDEA bilang tanging ahensya na mangangasiwa sa mga drug operations ng gobyerno kasabay ng pangakong gagawin nila ang lahat ng makakaya upang hindi biguin ang atas ng Pangulo.
Sa tala ng PDEA, 51-porsiyento sa mahigit na 40-libong barangay sa buong bansa ang sinasabing apektado ng iligal na droga kung saan 3,534 na sa mga ito ang nagalugad na ng ahensya.
Samantala upang patunayan na malinis ang mga isinasagawang operasyon ng PDEA ay inaayayahan ni Fajardo ang media na sumama sa kanilang mga susunod na aktibidad.
Una nang inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco sa bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.