383 total views
June 30, 2020-12:38pm
Umaasa ang Arkidiyosesis ng Cebu na makipagtulungan ang mamamayan ng Cebu City sa mga ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan hinggil sa laganap na corona virus sa lunsod.
Ayon kay Msgr. Joseph Tan, tagapagsalita ng arkidiyosesis dapat pairalin ng publiko ang disiplina upang maiwasan na madadagdagan ang mga kaso ng corona virus sa lunsod.
“We’re just hoping na in the part also sa public medyo mag-exercise tayo ng kaunting disiplina,” pahayag ni Msgr. Tan sa Radio Veritas.
Ito rin ang mensahe ng opisyal kaugnay sa naiulat at kumakalat na larawan sa Facebook kung saan nagsagawa ng pagtitipon ang Sitio Alumnus barangay Basak San Nicolas upang ipagdiwang ang kapistahan sa lugar.
Batay sa mga kuhang larawan bukod sa prusisyon nagsagawa rin ito ng Sinulog na isang malinaw na paglabag sa quarantine protocols sa ilalim ng enhanced community quarantine sa Cebu City.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Police Brig. Gen. Albert Ignatius Ferro, Director ng Central Visayas police, siyam na opisyal ng Barangay at limang indibidwal na nag-organisa sa pagtitipon ang lumabag sa Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at sa ordinansang nagbabawal sa malakihang pagtitipon bilang pag-iingat.
Sasampahan ng kasong kriminal ang mga sangkot na opisyal sa Cebu City prosecutor’s office sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection Group habang hiwalay na kasong administratibo naman ang isasampa ng DILG sa kapitan at walong kagawad ng barangay.
Tiniyak naman ni Msgr. Tan na sinisikap ng mga Cebuano na sundin ang mga panuntunang ipinatutupad ng Inter Agency Task Force at Department of Health bilang pag-iingat na madagdagan ang limang libong kaso ng COVID-19 sa lunsod.
Patuloy namang pinaalalahanan ng arkidiyosesis ang mananampalataya na maging maingat upang hindi makahawa at hindi mahawaan ng nakamamatay na corona virus.
“We should be reminded; we will do everything to follow protocol ng IATF at ng DOH para hindi tayo makapag-infect ng ibang tao at hind rin tayo magkasakit,” dagdag pa ni Msgr. Tan.