2,385 total views
Nagpasalamat ang pamunuan ng Radio Veritas 846 sa lahat ng nakiisa at sumuporta sa ginanap na Grand Marian Exhibit ng himpilan.
Ayon kay Religious Department head Renee Jose nawa’y nakatulong sa paghubog ng pananampalataya sa Panginoon ang pagtatanghal sa iba’t ibang imahe ng Mahal na Ina bilang pakikiisa ng himpilan sa pagidiriwang ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria nitong September 8.
“I would like to thank sa lahat ng mga Kapanalig na bumisita sa ating Marian Exhibit, nag offer ng prayers at mass intentions, sana itong initiative ng Radio Veritas makatulong sa pagpapalawak ng debosyon sa Mahal na Birhen na gagabay sa atin kay Jesus.” pahayag ni Jose sa panayam ng Radio Veritas.
Ikinagalak nito ang pagdalaw ng mga deboto mula sa iba’t ibang panig ng kalakhang Maynila at karatig lalawigan lalo’t isa sa layunin ng exhibit ang pagsasabuhay sa tungkulin ng Radio Veritas na maging katuwang ng simbahan sa gawaing ebanghelisasyon.
Nasa 100 imahe ng Mahal na Birhen ang itinampok sa Marian Exhibit sa Fisher Mall Quezon City na binuksan noong August 30 hanggang September 8 kabilang na rito ang canonically crowned images.
Tiniyak ni Jose sa mamamayan ang pagpapatuloy sa gawaing pagmimisyon ng himpilan tulad ng Marian Exhibit kung saan asahan na rin ang pagbubukas nito sa Oktubre bilang pagpupugay sa Mahal na Birhen ng Santo Rosaryo at pagdiriwang ng bansa sa Rosary Month sa Fisher Mall sa Malabon City.
“Continues yung ating misyon bilang Radio ng Simbahan, abangan nila ang isa pang Marian Exhibit sa October to celebrate the Rosary Month.” ani Jose.
Bukod sa mga Marian Exhibit patuloy din ang mga Banal na Misa sa himpilan tuwing alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali, alas sais ng gabi at alas dose ng hatinggabi kung saan maaring magpadala ng mga prayer intentions makipag-ugnayan lamang sa 8925-7931 to 39 local 129, 131, at 137 o mag text sa 0917 631 4589.